3 Teams ayaw madungisan
MANILA, Philippines - Magtatangka ang tatlong koponan na nasa itaas ng standings ang manatili sa kanilang kinalulugaran sa pagpapatuloy ng PBA D-League Aspirants’ Cup ngayon sa JCSGO Gym sa Cubao, Quezon City.
Ang nangungunang Big Chill (5-0) ay magnanais na palawigin ang best start ng prangkisa sa pagharap sa Café France sa ganap na ika-12 ng tanghali bago sundan ng pagkikita ng NLEX at Boracay Rum dakong alas-2 ng hapon.
Huling laro dakong alas-4 ay sa pagitan ng Cagayan Valley at Wang’s Basketball dakong alas-4 ng hapon.
Ang nagdedepensang kampeon na Road Warriors ay puntirya ang ikatlong sunod na panalo habang ang Rising Suns ay nais na pag-ibayuhin ang kasalukuyang 5-1 baraha.
Mahalaga ang malagay sa unang dalawang puwesto matapos ang single round elimination dahil mabibiyayaan ang mga koponang kukuha ng puwes-tong ito ng awtomatikong slot sa semifinals.
Galing sa 30-puntos panalo ang Superchargers sa Waves sa huling laro at umaasa si coach Robert Sison na hindi mawawala ang magandang samahan ng kanyang koponan laban sa Bakers na nagbabalak na kunin ang ikalawang sunod na panalo.
Ang NLEX din ay nagdomina sa unang dalawang laro nang makapagtala ng 23 puntos na winning averages.
Ngunit alam ni coach Boyet Fernandez na mahirap kalabanin ngayon ang Boracay Rum dahil tiyak na hangad nilang bumangon matapos ang nakakahiyang pagkatalo.
Si Chris Banchero ang mangunguna sa Waves habang ang Road Warriros ay dapat na patuloy na makakuha ng solidong numero sa kanilang mga National players na sina Garvo Lanete, Kevin Alas at Matt Ganuelas habang inuunti-unti ang pagbibigay ng exposures sa kanilang kasamahan mula sa NCAA champion San Beda.
- Latest