Kabayong Crusis lalong pagkakatiwalaan
MANILA, Philippines - Tumibay pa ang pananaw ng bayang-karerista na ang Crucis ang kikilalanin bilang pinakamahusay na imported horse ng taon.
Ang limang taon na kabayo na pag-aari ni dating Philracom commissioner Marlon Cunanan ang siyang nagdomina sa Jockey Elias 'Eleng' Ordiales Race na siya ring ika-lima at huling leg sa 2013 Philracom Imported/Local Challenge Series na ginawa sa Metro Turf Club sa Malvar, Batangas noong Sabado.
Sakay pa rin ni Jeff Zarate, unang isinantabi ng tambalan ang hamon ng mga coupled entries na Close To Hallie at Nefertiti sa kaagahan ng 2,000-metro karera.
Sa kalagitnaan ng labanan ay lumayo na ang Crucis at kahit nagsikap pa ang Juggling Act na humabol ay hindi na ito umabot para sa solong pagtawid ng Crucis.
May lahing Southern Image at Dixie Parade, naorasan ang kabayo ng eksaktong 2:00 flat sa kuwartos na 24’, 24, 23’, 23, 25, para kunin ang ika-pitong panalo sa taon. Ito rin ang ikatlong stakes race na dinomina ng Crucis at ikalawang sunod na Imported/Local Challenge race dahil ang kabayo rin ang nanalo sa fourth leg na ginawa rin sa bagong race track.
Halagang P300,000.00 mula sa P500,000.00 kabuuang premyo ang napasakamay ng winning connections ng kabayo at inaasahang magiging paborito uli ang Crucis sa paglarga ng 2013 Ambassador Eduardo Cojuangco Cup sa Nobyembre 17 sa Metro Turf.
- Latest