Lumabas ang tikas ng Power Over
MANILA, Philippines - Nakitaan ng ibayong tikas ang kabayong Power Over upang maging pinakadehadong kabayo na nanalo sa pista sa San Lazaro Leisure Park noong Martes ng gabi sa Carmona, Cavite.
Si EP Nahilat ang sakay ng kabayo na dating di-nidiskartehan ni Karvin Malapira at ang pagpapalit ng hinete ay nakabuti sa Power Over nang maipamalas ang bangis sa 1,500m karera sa class division 1-A.
Dominadong-dominado ng nanalong kabayo ang karerang sinalihan ng 11 kalahok matapos hawakan ang pangunguna sa karera sa pagbukas ng aparato.
Pansamantalang ibinigay ni Nahilat ang liderato sa beteranong Hok Kee Hok ngunit pagpasok sa kalagitnaan ng karera ay muling binawi ang bandera at hindi na binitiwan hanggang sa natapos ang karera.
May lahing Shooting Star at Holy Toast, ang panalo ng Power Over ay una sa taon at nakuha ito matapos pumangalawa sa karerang ginawa noong Pebrero 12.
Pumangalawa ang Be Cool na hawak ni Jonathan Hernandez at tumawid na may apat na dipang layo matapos ang nanalong kabayo at ang kombinasyon ng mga nadehado ay nagbigay ng magandang dibidendo sa mga mananaya. Hataw agad ang mga tumangkilik dahil nasa P360.00 ang ibinigay sa win habang ang 1-2 forecast ay naghatid ng P727.00 dibidendo.
Isa pang nagpasikat ay ang kabayong Mrs. Gee na sakay ni class C jockey JL Lazaro.
Isang class division 1B ang karera sa 1,500m distansya at ang Mrs Gee ay nanalo sa unang pagkakataon sa buwan ng Pebrero.
Dehado rin ang kabayo dahil hindi ito tumimbang sa naunang dalawang takbo sa nasabing buwan para makapaghatid ng P69.50 sa win.
Ang Gifted Champ ni CV Garganta ang pumanga-lawa at ang tambalan sa forecast na 7-5 ay may P81.50 dibidendo.
Ang Bruno’s Cut na dinala ni Jonathan Hernandez ang pinakaliyamadong nagpasikat sa 10 karerang pinaglabanan.
Ikalawang takbo ito ng kabayo sa taon at tinalo ng tambalan ang Babe’s Magic na hawak ni Pat Dilema
Halagang P6.50 ang ibinigay sa win ng kabayo habang mas malaking P60.50 ang dehadong dibidendo sa 9-14 forecast.
Sa linggong ito sisimulan ang tigalawang araw na karera sa tatlong karerahan at malalaman kung ano ang epekto ng bagong sistemang ito sa industriya matapos ang pista.
- Latest