8-sunod na panalo sa Spurs
SAN ANTONIO -- Madaling malaman kung bakit maglalaro na naman si Tony Parker sa All-Star game.
Nagtala si Parker ng 31 points at 7 assists at nakamit ng San Antonio Spurs ang kanilang pang-walong sunod na panalo matapos igupo ang Phoenix Suns, 108-99, nitong Sabado ng gabi.
Nagdagdag si Manu Ginobili ng 20 points, habang may 13 si Tiago Splitter at 11 si Boris Diaw para sa San Antonio (36-11) na nanalo ng 16 sunod sa kanilang homecourt.
Umiskor naman si Michael Beasley ng 25 points kasunod ang 23 ni Jared Dudley para sa Suns (15-29) na nalasap ang kanilang unang kabiguan sa ilalim ni coach Lindsey Hunter.
Naglaro na wala sina Tim Duncan (namagang tuhod) at coach Gregg Popovich (may sakit) sa ikatlong sunod na game, nangailangan ang Spurs ng magandang laro mula kay Parker sa fourth quarter.
Walang nakitang epek-to matapos tamaan sa ulo ni Elton Brand para sa tatlong tahi sa kanilang 113-107 tagumpay sa Dallas noong Biyernes, umiskor si Parker ng 11 points at nagbigay ng 5 assists para ungusan ng San Antonio ang Phoenix, 27-17 sa fourth period.
Pinuwersa rin ng Spurs ang Suns sa anim na turnovers sa nasabing yugto.
Tumapos ang matinik na point guard ng 13-for-17 fieldgoal shooting at may tatlong turnovers sa 34 minuto.
Hinigpitan ng Spurs ang kanilang depensa sa final period kung saan nagtala ang Suns ng tatlong turnovers at nagmintis ng kanilang tatlong tira para sa 96-88 abante ng San Antonio sa huling 6:21 ng laro.
Humugot si Parker ng 4 points at 1 assist sa 7-0 atake ng Spurs.
- Latest
- Trending