Bornea nakuntento sa Bronze
MANILA, Philippines - Pinaulanan ng suntok si Jade Bornea ni Murodjon Akhmadaliev ng Uzbekistan sa krusyal na second round upang lasapin ang 15-24 pagkatalo sa semifinals sa light flyweight division sa 2012 AIBA World Youth Boxing Championships kahapon sa Karen Demirchyan Sports and Concerts Complex sa Yerevan, Armenia.
Lumabas ang ipinagmamalaking husay ng 18-anyos na si Akhmadaliev, na nanalo rin ng pilak sa Ahmet Co-mert Youth Boxing Championships noong Setyembre, matapos ang mga solidong patama sa Filipino pug upang kunin ang 13-6 kalamangan.
Bago ito ay nagawa pang maka-singit ng 17-anyos at tubong South Cotabato na si Bornea ng kanyang mga suntok para hawakan ang 6-5 kalamangan matapos ang unang round.
Hindi na nakabawi si Bornea sa huling round na dinomina rin ng Uzbek fighter, 6-3, para makaabante ito sa finals sa dibisyon kalaban ang Chinese boxer na si LV Bin na umani ng 13-8 panalo laban kay Lalitha Prasad Polipalli ng India.
Nakontento na lamang si Bornea sa bronze medal na siya ring kauna-una-hang medalya ng Pilipinas sa tatlong edisyon ng Youth Championships.
Malamig ang klima sa Armenia at si Bornea ay dinapuan ng ubo kamakalawa at nakaapekto ito sa kanyang kampanya laban sa mas beteranong si Akhmadaliev.
Nanghihinayang man ay pinuri naman ni ABAP executive director at head delegation Ed Picson ang ipinakita ng apat na boksingerong ipinadala ng asosasyon sa torneo dahil walang nag-akala na may makakaabot sa medal round dahil kulang pa sa karanasan ang mga ipinanlabang boksingero.
Bukod kay Bornea, ipinadala rin pero minalas na nasibak ng maaga sina 2011 World Juniors champion Felix Eumir Marcial, Ian Clark Bautista at Jonas Bacho.
- Latest