Footloose wagi sa Handicapping race
MANILA, Philippines — Pinakitaan ng Footloose ang mga karerista nang sikwatin ang panalo sa PHILRACOM Rating Based Handicapping System na inilarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas noong Sabado.
Sinakyan ni Isaac Ace Aguila, ipinuwesto niya ang Footloose sa pangatlo sa largahan, habang kumaripas sa unahan ang Den Deren Denden at Excellence.
Nagtagisan ng bilis sa unahan ang Den Deren Denden at Excellence sa kalagitnaan ng karera at nasa tersero puwesto ang Footloose.
Habang papalapit sa far turn ay unti-unting humahabol sa unahan ang Footloose at pagdating ng huling kurbada ay naagaw na ng winning horse ang bandera.
Sa rektahan ay nakalamang ang Footloose ng tatlong kabayo kaya naman hindi na nakadikit ang mga katunggaling Den Deren Denden at Excellence.
Tinawid ng Footloose ang finish line na may walong kabayo ang agwat sa pumangalawang Sweet City, tersero ang Den Deren Denden, habang pang-apat sa datingan ang Tears Of Joy.
Inilista ng Footloose ang tiyempong 1:30.4 sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si MA Tansengco ang P10,000 added prize.
- Latest