Giddey bumandera sa pagsuwag ng Bulls sa Bucks
CHICAGO — Humakot si guard Josh Giddey ng 23 points, 15 rebounds at 10 assists para sa kanyang ikalawang triple-double sa season at tinulungan ang Bulls sa 116-111 pagsuwag sa Milwaukee Bucks.
Kumolekta si center Nikola Vucevic ng 23 points at 13 rebounds, habang may 22 markers si Coby White para pigilan ng Chicago (14-18) ang kanilang three-game losing skid.
Bumalik si Damian Lillard sa lineup at tumipa ng 29 points at 12 assists para sa Milwaukee (14-16) na naglaro na wala si NBA scoring leader Giannis Antetokounmpo (illness) sa ikalawang sunod na pagkakataon.
Nagdagdag si Brook Lopez ng 22 points at may 21 markers si Khris Middleton.
Ipinasok ni Giddey ang dalawang free throws sa huling 10 segundo para ibigay sa Bulls ang 115-111 kasunod ang kanyang defensive rebound para selyuhan ang kanilang panalo.
Kinuha ng home team ang 62-60 halftime lead bago ilista ang 13-point lead sa third quarter.
Sa Washington, iniskor ni Jalen Brunson ang siyam sa kanyang season-high 55 points sa overtime, habang nagposte si Karl-Anthony Towns ng 30 points at 14 rebounds sa 136-132 pagtakas ng New York Knicks (22-10) sa Wizards (5-24).
Kumamada si Justin Champagnie ng career-high 31 points bukod sa 10 rebounds at may 22 markers si Malcolm Brogdon sa paig ng Washington.
Sa Denver, bumanat si Nikola Jokic ng 37 points, habang may 34 markers si Jamal Murray sa 134-121 panalo ng Nuggets (17-13) sa Detroit Pistons (14-18).
Sa San Francisco, humataw si Jonathan Kuminga ng 34 points sa 109-105 pag-eskapo ng Golden State Warriors (16-15) sa Phoenix Suns (15-16).
Sa Los Angeles, nagkuwintas si Anthony Davis ng 36 points, 15 rebounds at 8 assists sa 132-122 paggupo ng Lakers (18-13) sa Sacramento Kings (13-19) at diniskaril ang debut ni interim coach Doug Christie.
- Latest