2012 POc-PSC Batang Pinoy mindanao Leg: Unang ginto nakopo ng Misamis runner
DAPITAN CITY, Philippines – Nakamit ni Jie Anne Calis ng Misamis Occidental ang unang gintong medalya, habang tatlo naman ang inangkin ng General Santos athletics event ng Philippine Olympic Committee-Philippine Sports Commission Batang Pinoy 2012 Mindanao leg.
Lumundag ang 13-anyos na si Calis ng 4.25 metro sa long jump event sa Jose Rizal Memorial State University sports complex para sikwatin ang unang gold medal na nakataya sa Mindanao leg ng Batang Pinoy.
Orihinal na kalahok si Calis sa mga running events. Ngunit ang mga ito ay inalis dahil sa masamang kondisyon ng track oval. Dapat ay kalahok siya sa 1,500-meter at 800m kung saan siya nanalo ng gold at silver medals, ayon sa pagkakasunod, sa nakaraang 2012 Palarong Pambansa sa Lingayen, Pangasinan.
Kumuha ang General Santos City ng tatlong gold medals sa likod nina Fauzi del Rio sa girls 14-15 long jump, Mary Jane Lawas sa girls 14-15 shot put at Louie Restauro sa boys 13-under long jump.
Ang iba pang nanalo ng ginto sa athle-tics ay sina Jayra del Rosario ng Misamis Occidental sa girls 13-under shot put, Lian Julius Galinga ng Davao City sa boys 13-under shot put, David James Francisco ng Zamboanga City sa boys 14-15 shot put at Ganah Elizalde ng Zamboanga City sa girls 14-15 long jump.
Sa Rizal Memorial Institute covered courts, isang triplets mula sa Western Visayas ang nagbulsa ng tatlong gintong medalya sa pencak silat National finals.
Sinikwat ni John Carl Segutier ang ginto sa tunggal (solo artistic), habang namayani naman ang kanyang mga kapatid na sina John Christian at John Clark sa ganda (double choreographed tactics) kasunod ang pagtutuwang nila para pitasin ang regu (team artistic form).
Nanalo na ang mga 13-anyos na triplets ng mga ginto sa 2010 edition ng Batang Pinoy sa Manila at kasalukuyang mga sixth graders sa Rizal Elementary School sa Molo, Iloilo City.
- Latest