Alvarez ipinanalo ang Sincerely Devil
MANILA, Pgilippines - Nakabuti ang pagbabalik ni jockey Mark Alvarez sa kabayong Sincerely Devil nang makuha ng tambalan ang panalo sa nilahukang karera noong Miyerkules ng gabi sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Huling dumiskarte si Alvarez sa nasabing kabayo noong Oktubre 13 at tumapos ang tambalan sa ikatlong puwesto bago pinalitan nina RV Leona at RK Hipolito na kung saan ang kabayo ay nalagay lamang sa ikaapat at limang puwesto.
Sa class division I ginawa ang labanan at ang Sincerely Devil ang siyang napaboran ng mga mananaya at hindi naman ito napahiya nang manalo laban sa hamon ng dehado pang Ideal View.
Si WP Beltran ang hinete ng Ideal View at nahigitan ng kabayo ang pang-apat na puwestong pagtatapos noong Oktubre 19 sa pagdiskarte rin ni Beltran.
Naghatid ng P6.00 ang win ng Sincerely Devil pero ang 5-10 forecast ay nagpamahagi ng P30.00 dibidendo.
Tila may tulak ng hangin ang takbo ng Windy Hour na siyang pinakadehadong kabayo na nanalo sa ikalawang araw ng pista sa race track na pag-aari ng Philippine Racing Club Inc. (PRCI).
Si RO Baylon ang hinete ng kabayo at hindi umubra ang hamon ng pitong iba pang kasali sa Handicap Race na pinag-labanan sa 1,200m para mapasaya ang mga dehadista.
Pangalawa lamang sa Windy Hour na ang hu-ling pinakamagandang puwestong kinalagyan ay nang pumangalawa noong Oktubre 11 sa pagdadala rin ni Baylon, ang mas napaborang Flag Bearer.
Kumabig ang mga nanalig sa husay ng Windy Hour ng P51.50 sa win habang ang 6-5 forecast ay naghatid ng P514.50 dibidendo.
- Latest