Hiyasmin (147)
Naabutan ni Dax si Hiyasmin na nakikipagkuwentuhan sa isang lalaking balbas sarado sa lobby. Sarap na sarap si Hiyasmin sa pakikipagkuwentuhan. Nang makita ni Hiyasmin na paparating na si Dax ay iniwan nito ang kausap. Sinalubong si Dax.
“Tamang-tama ang dating mo Sir Dax, kabababa ko rin lang.’’
Itatanong sana ni Dax kung sino ang kausap nitong lalaki pero baka kung ano ang isipin ni Hiyasmin.
“Tayo na, Hiyasmin. Nagugutom na ako.’’
“Malayo ba ang seafood restaurant dito?’’
“Malapit lang. Tatawid tayo sa kabila at mga dalawang kanto lang, restaurant na.’’
Tumawid sila sa kalsada.
“Marami ka bang trabaho ngayon?’’ tanong ni Dax.
“Marami.’’
“E di pagod ka na naman?’’
“Hindi naman Sir Dax. Nagagamay ko na, hindi katulad ng first day.’’
“Sabi ko sa’yo, sa umpisa lang.’’
“Oo nga.’’
Maya-maya pa, nasa restaurant na sila. Nag-uumpisa pa lang dumagsa ang mga kakain.
“Dun tayo sa sulok.’’
Tinungo nila ang mesa sa sulok.
Lumapit ang lalaking crew at iniabot ang menu. Umalis.
“Pili ka na, Hiyasmin. Ako halabos na hipon at saka inihaw na panga ng tuna.’’
Pumili si Hiyasmin.
“Tahong at alimasag sa akin.’’
Tinawag ni Dax ang crew. Lumapit at umorder siya. Nang makuha ang order ay umalis na.
Hindi nakatiis si Dax at tinanong si Hiyasmin kung sino ang lalaking kausap kanina.
“A si Toti. Senior copywriter ‘yun.’’
“Ang sarap ng kuwentuhan n’yo kanina.’’
“Mabiro kasi. Kung anu-ano ang ikinukuwento sa akin.’’
“May asawa ba ‘yun?’’
“Hindi ko alam.’’
(Itutuloy)
- Latest