Kastilaloy (39)
NAPANSIN ni Garet ang pagbabago ng ugali ng kanyang mama nang magsimula itong makipag-bonding sa mga kaibigan at ka-klase. Halos sunud-sunod ang paglabas nito. Inaabot ng gabi sa pag-uwi at nang tumagal ay madaling araw na. Laging ang katwiran ay napasarap ng pakikipagkuwentuhan sa mga kaklase. Meron bang ganoon katagal magkuwentuhan na inaabot nang madaling araw? Parang mahirap paniwalaan. Napailing-iling sabay hinga nang malalim si Garet. Hindi niya alam ang gagawin ngayong nagbibigay ng isipin ang kanyang mama. Kung kailan nagkakadedad ay saka naman nagiging pasaway.
Itinuon na lamang ni Garet ang pagsulat sa kasaysayan ni Dionisio Polavieja alyas Kastilaloy. Idinagdag niya ang mga mahahalagang sinabi ni Tita Carmina ukol sa ama. Ang sinabi nito na mahilig sa mga kabataang babae si Kastilaoy ay isinulat na rin niya --- pati ang pagnanasa sa kanyang Mama Julia. Pero sabi rin naman ni Tita Carmina, tila nagpapaubaya raw naman ang kanyang mama. Sabi pa ni Tita Carmina, mahilig daw sa lalaki ang kanyang mama.
Napahinga si Garet sa tagpong iyon. Ngayong may tila kinahuhumalingan ang kanyang mama --- narinig niya ang pakikipag-usap nito sa cell phone – parang gusto na niyang maniwala. Tila nga madaling matukso ang kanyang mama. Bola-bolahin lamang ay bibigay na. Pakiramdam niya, ang lalaking kausap sa cell phone ang dahilan kaya laging ginagabi ang kanyang mama.
Tapos, balak pa nitong mag-hire ng driver. At wala nang makakapigil sa gusto nito. Siya ang masusunod at wala nang iba.
ISANG umaga, tinawag siya ng kanyang mama.
Ipinakilala nito ang isang lalaki.
“Siya si Geof, bagong driver natin.’’
Guwapo ang lalaki. Bata pa.
(Itutuloy)
- Latest