Alakdan (293)
HABANG nag-uusap sina Digol at Kreamy ay lumapit si Pau.
“Papa, ipaghahanda ko ng meryenda si Mam Kreamy. Di ba masarap ang niluto mong puto pao?”
“Oo nga. Sige Anak, ipaghanda mo si Kreamy. Tapos maghanda ka ng apple juice o orange juice.”
“Opo Papa.”
Nang makalayo si Pau, tuwang-tuwa si Kreamy.
“Napaka-bibo niyang anak mo, Digol.”
“Super bibo, Kreamy.’’
“Sinong ina niya?”
“Mahabang kuwento, Kreamy. Anak ko siya sa isang maid. Napabayaan ko siya dahil nagpalabuy-laboy ako. Nawalan na kasi ako ng pag-asa makaraang may mangyari sa akin. Hindi ko akalain, magkikita pa kami. Hinanap niya ako. Tuwang-tuwa ako. Mayroon na akong makakasama sa pagtanda ko.”
“Matalino siya, Digol at humahanga ako.’’
“Magdodoktor siya. Si Troy ang magpapaaral. Ipinangako na ni Troy.’’
“Marami na ngang naikuwento sa akin si Pau, Digol. Natutuwa naman ako dahil maganda na pala ang buhay ni Troy.’’
“Ako man ay natutuwa sa nangyari sa pinsan ko. Nagsikap siya kaya nagbunga ang lahat. Ako walang pagsisikap kaya ganito ang nangyari. Kung siguro, nagsikap akong mag-aral, baka maganda rin ang buhay ko. Akala ko kasi, panghabambuhay na ang mga natamo ko noon. Marami akong napera sa mga nakarelasyon ko. Akala ko sapat na. Hindi pala. Dapat pala nagsikap akong paunlarin ang buhay. Ngayon sising-sisi ako, Kreamy. Mabuti na lang at mayroon pala akong anak na magpapalakas sa akin. Mula nang dumating si Kreamy, pakiramdam ko lumakas ako…’’
“Huwag mo nang sisihin ang sarili mo, Digol. Talagang ganyan ang buhay. Kailangang matikman ang lupit ng buhay at saka lamang magigising sa katotohanan.”
“Pero malaki rin ang nagawa mo sa aking buhay, Kreamy. Natatandaan mo ba noong puntahan mo ako sa bahay sa tapat at pinakiusapan mo akong hiwalayan ang “mama” mo. Hindi ko malilimutan ang iyong pakiusap. Natatandaan mo pa ba yun, Kreamy.”
Napatango si Kreamy.
“Sinunod ko ang payo mo, Kreamy. Mga isang buwan lang at hiniwalayan ko si Mayette. Naghanap ako ng iba at lumayo kami ng lugar. Pero hindi pa rin ako tumigil sa paglilikot sa iba kaya siningil na ako. Lumasap ako nang matinding ganti…Pero napagsisihan ko na ang lahat. Pati ang pagkukulang ko sa aking anak na si Pau ay napagsisihan ko na rin at pinangako na pupunan ko ang mga pagkukulang sa kanya…”
Nakita nilang paparating si Pau. Dala sa tray ang meryenda. Ibinaba ito sa mesita.
“Kain ka na po, Mam Kreamy. Masarap po yan. Si Papa ang nagluto.’’
Dumampot si Kreamy ng puto pao. Kumagat. Ninamnam.
“Aba masarap nga!”
“Tsamba lang yan, Kreamy,” sabi ni Digol.
“Mabuti at natuto kang magluto?”
“Noong wala pa kasi si Pau, ang pagluluto ng meryenda ang napagbalingan ko. Masarap din akong gumawa ng cassava puto. Gumagawa rin ako ng pitsi-pitsi na gawa sa galapong ng irok.’’
“Bago yun ah.”
“Marami kasi sa aming probinsiya na galapong ng irok at iyon ang ginagawang pitsi-pitsi. Meron din palang binibenta rito kaya sinubukan ko.’’
“Galing. Magluto ka para pagpunta ko uli rito, matikman ko.”
“Aba oo. Sabihin mo lang kung kailan.”
“Iti-text ko sa’yo, Digol. Kukunin ko ang number mo.”
“Okey, Kreamy.”
Pagkaraan ng ilang oras, nagpaalam na si Kreamy kay Digol. Nasa di-kalayuan si Pau at nakikinig.
“Digol, kung pupunta si Troy dito, huwag mo nang sabihin sa kanya na nanggaling ako rito. Please…”
“Oo Kreamy.’’
“Salamat.’’
“E Kreamy, hindi mo ba kami paaalisin dito sa bahay mo?”
Nagtawa si Kreamy pero mahinhin pa rin.
“Ba’t ko naman kayo paaalisin?” (Itutuloy)
- Latest