EDITORYAL - Nagkalat ang namamalimos DSWD hindi pa kumikilos!
NAGKALAT na ang mga namamalimos sa kalye. Mas dumami ngayon kaysa noong bago magkapandemya. Araw-araw ay nasa kalye ang mga namamalimos na Badjaos. May mga bata na sumasampa sa mga pampasaherong jeepney at nag-aabot ng marusing na sobre sa mga pasahero. May mga pasaherong nagsisilid ng barya sa sobre at meron ding dedma lang.
Pagkatapos kolektahin ng bata ang mga sobre ay bababa na ito at lilipat sa iba pang dyipni. Mayroong tatalon kahit tumatakbo ang dyipni. Lubhang delikado ang ginagawa ng mga pulubing Badjao sapagkat maaring mahulog at mabagok ang ulo o masagasaan ng kasunod na sasakyan.
Hindi lamang mga Badjao ang namamalimos sa kalye, marami pa. May namamalimos na nakasakay sa wheelchair at kapag tumigil ang mga sasakyan dahil sa trapik ay saka isa-isang lalapitan at kakatukin ang bintana ng mga kotse. Bukod sa mga naka-wheelchair, may mga ama o ina na may kargang sanggol at namamalimos. Kinakatok ang mga bintana ng sasakyan at nanghihingi ng limos.
Ngayong papalapit na ang Pasko, tiyak nang dadagsa pa ang mamamalimos sa mga kalsada sa Metro Manila. Daragdag ang mga Aeta na ang ginagawang tirahan ay ang silong ng LRT at MRT. Meron ding nasa center island ng mga pangunahing kalsada at nagpapalimos sa mga dumaraang motorista.
Dapat tandaaan na mahigpit na ipinagbabawal maglimos. Sa ilalim ng Presidential Decree 1563 (Mendicancy Law), bawal ang maglimos sa mga pulubi na nasa kalye o yung mga kumakatok sa tahanan. Ang lalabag sa batas ay mapaparusahan ng apat na taong pagkakabilanggo at pagmumultahin ng P1,000.
Sa paglipana ng mga pulubi sa maraming lansangan ng Metro Manila, tila hindi na ito napapansin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Wala pa kayang plano ang DSWD kung paano aalisin sa kalye ang mga namamalimos? Wala pa ba silang pagdadalhan sa mga ito? Hindi pa ba nila tutulungang makauwi sa kani-kanilang mga probinsiya ang mga namamalimos gaya ng mga Badjao?
Kamakailan, naglabas ng paalala ang DSWD sa publiko na ipaalam sa kanila kung may makikitang namamalimos sa mga kalsada. Ayon kay DSWD spokesperson Irene Dumlao, tawagan lamang ang DSWD hotline 89319141 at ipagbigay-alam ang mga makikitang namamalimos sa kalye.
Hindi ba puwedeng ang DSWD ang mismong magtungo sa mga kalye para makita nila ang mga naglipanang namamalimos sa kalye? Bakit ang publiko pa ang kailangang magreport sa DSWD sa mga makikitang pulubi? Kung lalabas lamang ng kanilang tanggapan ang mga opisyales ng DSWD, bubulaga na sa kanila ang mga namamalimos.
- Latest