Engineer todas sa pananambang

MANILA, Philippines — Patay ang isang engineer makaraang pagbabarilin ang sinasakyang behikulo malapit sa main gate ng Orange Grove sa kahabaan ng Carlos Garcia Highway sa Brgy. Matina Pangi, Davao City,nitong Biyernes ng umaga.
Kinilala ang nasawing biktima na si Arvie John dela Cruz Ragonton, 30-anyos,isang onsite engineer ng isang real state developer na may proyekto sa Brgy. Matina ng Davao City at residente ng Pigcawayan,North Cotabato.
Sa report ng Davao City Police, alas-8:00 ng gabi nang mangyari ang pananambang sa biktima sa kahabaan ng nasabing highway habang siya ay papasok sa main entrance ng Orange Grove.
Ang biktima ay nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan na siyang agarang kumitil sa buhay nito.
Matapos makasigurong napuruhan ang target ay mabilis namang nagsitakas ang mga salarin patungo sa hindi pa malamang destinasyon.
Samantala, kabilang sa sinisilip na motibo ng krimen ay posibleng personal na galit at inggitan sa trabaho habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa kasong ito.
- Latest















