Helper na wanted sa pagpatay, timbog sa Laguna
MANILA, Philippines — Isang helper na wanted sa kasong pagpatay sa Pasig City ang naaresto ng mga pulis sa isang manhunt operation sa Laguna kamakalawa.
Kinilala ang suspek na si alyas ‘Bonbon,’ 33, ng Brgy. Masapang, Victoria, Laguna.
Ayon sa Pasig City Police, dakong alas-7:05 ng umaga nang madakip ang suspek sa Sitio Pinak, Brgy. Masapang, Victoria, Laguna ng joint operatives ng Pasig CPS Warrant and Subpoena Section at Follow-up Unit.
Nabatid na si Bonbon ay inaresto ng mga awtoridad sa visa ng Warrant of Arrest na inisyu ni Hon. Teresa Cornejo-Tomacruz, presiding judge ng Pasig City Regional Trial Court (RTC) Branch 157, na may petsang Pebrero 5, 2025, dahil sa kasong homicide.
Nagrekomenda ang hukuman ng P120,000 na piyansa para sa pansamantalang paglaya ng suspek, na dati na ring nahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, Illegal Possession of Bladed Weapon at paglabag sa Omnibus Election Code.
- Latest