‘Tulak’ umiwas sa aresto ng PDEA, nagkunwaring hinimatay
TIGAON, Camarines Sur, Philippines — Walang kawala ang isang drug personality na nasa regional target lists ng Philippine Drug Enforcement Agency matapos maaresto sa inilatag na buy-bust operation na nag-drama pa na may sakit at nagkuwaring hinimatay sa Brgy. Panagan, Tigaon, Camarines Sur kamakalawa ng gabi.
Sinampahan na ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek na kinilalang si Lito Pancellis, 34-anyos, residente ng naturang lugar.
Sa ulat, dakong alas-9:30 ng gabi, kumagat ang suspek sa inilatag na buy-bust operation ng mga ahente ng PDEA-Camarines Provincial Field Office.
Hindi na nakatakas ang suspek matapos na biglang dakmain nang iabot nito sa poseur buyer ang biniling droga. Nakuha sa suspek ang 10-gramo ng shabu na nagkalahalaga ng P68,000.
Habang ginagawa ang imbentaryo sa mga drogang nabawi sa kanya ay biglang nanginig at hinimatay ang suspek pero nadiskubreng umarte lang ito upang makaiwas sa aresto.
Lumalabas sa imbestigasyon, na supplier pa ng droga sa ilang bahagi ng rehiyon ang suspek.
- Latest