‘HEALING agenda’ ibinida sa SOPA sa Quezon
MANILA, Philippines — Muling ibinida ni Quezon Gov. Doktora Helen Tan, ang HEALING Agenda sa kanyang ika-2 ulat sa Lalawigan o State of the Province Address (SOPA).
“We intend to do better. We resolve to do more good to our people. We hope and pray for the best. And the best is yet to come. SOAR HIGH QUEZON!” ayon kay Gov. Tan.
Sa ikalawang Ulat sa Lalawigan kahapon, Setyembre 30, sa Quezon Convention Center, Lucena City, ibinahagi ni Tan ang mga naging pagbabago, progreso, at kaunlarang natamasa ng lalawigan sa nakalipas na mga buwan na naaayon sa HEALING Agenda, na may kahulugang Health, Education, Agriculture, Livelihood, Infrastructure, Nature/Environment & Tourism, at Good Governance.
Ayon kay Gov. Tan, kabilang sa matagumpay na naisakatuparang serbisyong naihatid ang Medical Mission o ang programang “Lingap sa Mamamayan, Libreng Gamutan” at may mahigit kumulang 136,000 Quezonian na ang nakinabang nito.
Nakapagtala naman ng 51,000 benepisyaryo ang nakinabang sa programang AICS, habang 2,882 benepisyaryo ang nabigyan ng P10,000 mula sa ipinagkaloob na Presidential Assistance to Farmers, Fisherfolks and other Families ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Isa rin sa ipinagmalaki ng gobernadora ang mahigit isang milyong turistang nakiisa sa makulay na pagdiriwang ng Niyogyugan Festival ngayong taon.
“Sa mahabang panahon, napag-iwanan ng mga probinsya sa ating rehiyon at natagurian tayong sick man of Calabarzon. Ito ang isang reyalidad na ating nadatnan. Kung kaya sa loob ng dalawang taon, ating pilit na hinarap ang hamong buhayin at palakasin ang sick man of Calabarzon. Panata natin ang ipaabot ang serbisyong tunay na tumutugon sa pangangailangan ng ating mga kalalawigan at serbisyong natural na taos-puso habang patuloy na isinasakatuparan ang ating HEALING Agenda,” giit pa ng gobernadora.
- Latest