Niyogyugan Festival 2024 sa Quezon, larga na
LUCENA CITY, Philippines — Pormal nang binuksan ang itinuturing na “Mother of all Festivals” na “Niyogyugan Festival” sa lalawigan ng Quezon kahapon.
Pinangunahan ni Quezon Governor Dra. Helen Tan, kasama sina Department of Tourism Region 4A Regional Director Maritess Castro, 3rd District Rep. Reynan Arrogancia, at mga chief executives ng 39 na bayan at dalawang lungsod sa lalawigan, ang pagbubukas sa publiko ng festival na may temang “Tara na sa Quezon, Niyogyugan Na” sa isinagawang simpleng seremonya sa kapitolyo.
Tampok sa pagsisimula ng selebrasyon ang tradisyunal na “tagayan” ng pamosong lambanog sa Quezon kasunod ng pagtungo ng gobernador at mga panauhin sa mga naggagandahang agri-tourism booths ng bawat bayan kung saan ay itinatampok ang “One Town, One Product” (OTOP) tulad ng kanilang mga produktong agrikultura, kagamitan sa bahay at kultura.
Kabilang sa mga aktibidad sa mahigit isang linggong festival ay ang “Ginoo at Binibining Niyugyugan”, Grand Tagayan Music Festival, Kulturang Quezonian, Kalusugan sa Quezonian, Job Fair, Lambanog Summit, Lambanog, Mixology Contest, Painting contest, Niyogyugan Grand Parade at ang taunang pagkakaloob ng parangal sa mga Quezonian na nag-ambag sa kaunlaran sa lalawigan na tinawag na “Quezon Medalya ng Karangalan “(QMK) kasabay sa kaarawan ni dating Pangulong Manuel Luis Quezon.
Ang mga kalahok sa festival ay nagsusuot ng makukulay na kasuotan habang isinasayaw ang mga tradisyunal na sayaw na naglalahad ng makasaysayan at kultural na paglalakbay ng niyog.
Ayon kay Gov. Tan, bumalik na ang sigla ng turismo sa Quezon matapos dagsain ng mga tao ang pagbubukas ng selebrasyon na magtatapos sa Agosto 19, 2024.
Idinagdag naman ni Provincial Tourism Officer Nestler Louis Almagro na bukod sa pagkain, ang mga tourist destination sa Quezon ay dinarayo na rin, kaya nag-aalok na sila ng package tour sa mga turista.
- Latest