Babae pinasok, pinatay habang naliligo!
Matapos makatanggap ng pagbabanta
CAVITE, Philippines — Patay na habang hubo’t hubad na duguang nakahandusay sa loob ng kanilang banyo ang isang babae matapos pasukin at pagbabarilin habang naliligo ng isang lalaki na nagbabanta umano sa kanya kamakalawa ng gabi sa Barangay Talaba 2, Bacoor City.
Kinilala ng pulisya ang biktima sa alias Angel, nasa hustong gulang, residente ng Tabing-Dagat, Barangay Talaba 2, Bacoor City, Cavite.Tinutugis naman ng pulisya ang suspek na tinukoy lang sa alyas “Joel” na nagpapadala umano ng pagbabanta sa biktima.
Sa imbestigasyon ng pulisya, alas-8:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng bahay ng biktima.
Sa salaysay ng ina ng biktima, kasalukuyang naliligo ang kaniyang anak sa kanilang banyo nang may biglang pumasok na lalaki sabay salya sa pintuan ng palikuran saka pinagbabaril ang kasalukuyang naliligong biktima.
Nang makarinig ng mga putok, agad pinuntahan ng ina ang banyo at tumambad sa kanya ang anak na duguang nakabulagta.
Sa pagsisiyasat ng pulisya at sa pahayag ng ina, ilang araw na umanong nakatatanggap ng pagbabanta sa buhay ng biktima sa suspek na nag-ngangalang “Joel”.
Nagsasagawa na ng follow-up operation ang pulisya upang madakip ang suspek at mabatid ang motibo sa pamamaslang.
- Latest