Patay sa gastroenteritis sa Iloilo City, 9 na
MANILA, Philippines — Kinumpirma ni Iloilo City Mayor Jerry Treñas na umaabot na sa 9 katao ang naitalang namatay sanhi ng acute gastroenteritis (AGE) outbreak sa naturang lungsod dahil sa pag-inom ng maruming tubig.
Ayon kay Treñas, posibleng hindi na umano malinis ang mga tubig na iniinom ng mga residente bagama’t galing sa mga water refilling stations.
Aniya, karamihan sa mga water station sa kanilang lungsod ay wala nang potability test at hindi na compliant sa health protocols.
Sinabi ni Treñas na 29 water refilling stations ang ipinasara matapos ang insidente habang 3,000 hanggang 10,000 deep wells naman ang ininspeksiyon.
Ayon naman kay Dr. Roland Jay Fortuna, sa 241 water refilling station na nasa listahan ng CHO, nasa 188 dito ang nainspeksyon na habang 50 ang nadiskubre na hindi sumunod sa alituntunin.
Ang mga hindi sumusunod ay ang mga gumagana nang walang kinakailangang mga dokumento tulad ng permit at water potability test habang ang mga istasyong makikitang kontaminado ay pansamantalang isasara para sa muling pagsusuri.
Bukod sa water re-testing tulad ng sa water refilling stations at paglilinis at chlorination para sa mga balon ay humingi na rin sila ng tulong sa lokal na pamahalaan at sa mga mamamahayag para sa kampanya ng kanilang adbokasiya.
Idinagdag din ni Tang na humingi rin sila ng tulong sa City Environment and Natural Resources Office (CENRO), City Engineer’s Office (CEO) at Department of Labor and Employment sa pamamagitan ng Tulong Pangkabuhayan para sa mga Disadvantaged/Displaced na manggagawa upang tumulong sa paglilinis ng mga balon sa mga barangay, lalo na iyong malapit sa mga septic tank.
- Latest