Madugong amok sa kampo, dahil sa babae: Insidente, ‘isolated case’ lang – Army spokesman
MANILA, Philippines — Isolated case lang ang shooting incident sa loob ng headquarters ng 9th Infantry Division ng Philippine Army (PA) sa Camarines Sur noong Sabado.
Ito ang sinabi ni Army Spokesperson Colonel Xerses Trinidad bunsod ng nangyaring pamamaril sa loob ng Headquarters ng 9th Infantry Division sa Camp Weene Martillana, San Jose, Pili, Camarines Sur.
Kinilala ni Trinidad ang nasawing si Major Gary Masedman, finance executive officer, habang sugatan naman si Sergeant Manuel Colico matapos umanong barilin ng nag-amok na si Captain Martin Anosa Jr. sa kanilang kampo.
Tumakas si Anosa pagkatapos mapatay ang opisyal pero kalaunan ay nagpakamatay umano sa loob ng kanyang kuwarto.
Lumalabas naman na naganap ang krimen nang dahil lang sa isang babae.
Base sa paunang imbestigasyon, nakipagtalo sa kanyang girlfriend si Anosa at humingi ng tulong naman ang babae sa opisina ni Masedman.
Sinundan ni Anosa ang kasintahan sa opisina ni Masedman at walang sabi-sabing binaril ang huli at si Colico.
Sinabi ni Trinidad na magsasagawa pa rin sila ng masusing imbestigasyon upang malaman ang tunay na dahilan ng insidente. - Jorge Hallare
- Latest