Drug raid sa Bacoor, nauwi sa habulan ‘tulak’ tumalon sa creek utas, P.4 milyong shabu samsam
CAVITE, Philippines — Isang hinihinalang drug pusher o tulak ng droga ang patay matapos tumalon sa isang creek sa kagustuhang matakasan ang mga humahabol na pulis na nagsagawa ng pagsalakay sa isang drug den na ikinaaresto ng walo pang katao sa Brgy. Zapote 5, lungsod ng Bacoor, dito kamakalawa ng hapon.
Wala nang buhay nang maiahon sa tubig ang suspek na nakilalang si Dominador Algarme alias “Domeng”, nasa hustong gulang at residente ng Brgy. Zapote 5, Bacoor City.
Bukod sa nasawing drug suspect, walo pa ang naaresto ng pulisya na nakilalang sina Ronald Carabeo Delos Santos, 46-anyos; Gelo Camit Lagrata, 31; Limuel Gabiola Nuera, 40; Anthony Carabeo Delos Santos, 39; Arman Bradecena, 20; Arlon Resco Bitbit, 26; Jaymar Marlon Torrechiba, at Oscar Tabing Montano, 41; pawang residente ng Sitio Kanluran, Brgy. Zapote 5, ng nasabi ring lungsod sa Cavite.
Sa imbestigasyon ni P/Staff Sgt. Edison Fetalcurin, nagsagawa ng anti-illegal drugs operation ang mga operatiba ng Drug Enforcement Unit ng Bacoor City Police sa naturang lugar dakong alas-4:45 ng hapon.
Lumalabas na 9 na suspek ang naabutan sa isang drug den kung saan nagsasagawa sila ng pot session at nagre-repack pa umano ng shabu.
Sa kagustuhang makatakas ang suspek na si Algarme, tumalon umano sa creek na kadugtong ng dagat at dito ay lumangoy nang lumangoy na hindi namalayan nasa malalim nang bahagi ng dagat na siyang ikinalunod nito.
Sinikap namang sagipin ng mga humahabol na awtoridad ang suspek subalit patay na nang maiahon sa tubig.
Narekober sa operasyon ang 12 plastic sachet ng shabu na aabot sa mahigit 60 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P408,000, iba’t ibang uri ng drug paraphernalia at buy-bust money.
- Latest