Ex-manager ng motor shop arestado sa ‘motornapping’
TALAVERA, Nueva Ecija, Philippines — Arestado ang isang dating manager ng motor shop sa bayang ito makaraan umano nitong tangayin ang isang motorsiklo habang nakaparada sa isang mall sa Barangay Poblacion Sur, dito.
Kinilala ni P/Lt. Col. Heryl Bruno, hepe ng pulisya rito, ang naarestong suspek na si Joseph Javate, may-asawa ng Brgy. Cinco-Cinco, Cabanatuan City at dating manager sa Premium Bikes Talavera.
Naaresto ang suspek noong Lunes ng umaga nang matiyempuhan ng pulisya na bumibisita sa kanyang dating opisina na matatagpuan sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Barangay Pulong San Miguel ng nasabing bayan.
Kalmado namang sumama ang suspek sa arresting team sa pangunguna ng hepe ng pulisya rito. Pagkatapos ay tumuloy sila sa bahay ng suspek kung saan doon ay narekober ang sinasabing tinangay nito na kulay itim na motorsiklong Yamaha Aerox na walang plaka.
Naibalik ang nasabing motorsiklo sa may-ari nito na si John Pale, 41-anyos, may-asawa ng Barangay Pinagpanaan, dito, na nagsabing nawawala ang kanyang motorsiklo noon pang Agosto 7 nang iparada niya ito sa parking area ng isang mall, kung saan siya nagtatabraho.
Nabatid na may nakuhang CCTV footage ang pulisya kung saan makikita rito ang isang lalaki na nakasuot ng green shirt, itim na shorts at tsinelas habang tinatangay ang nasabing motorsiklo.
Kalaunan ay inamin umano ng suspek na siya nga ang lalaking nasa video.
Wala umanong kahirap-hirap ang suspek nang tangayin nito ang motorsiklo dahil sa tatlong susi na dala umano niya, na ang isa ay duplicate umano ng motor ng biktima.
Nang tanungin kung modus talaga niya ito, sinabi niya sa pulisya na gagamiting pang serbis lang umano niya ito.
- Latest