Barko sumadsad: 3 crew patay, 10 nawawala
Hinampas ng dambuhalang alon sa Surigao
MANILA, Philippines — Tatlo katao ang patay habang 10 pa ang nawawala matapos na sumadsad ang cargo ship na LCT Cebu Great Ocean sa baybayin ng Barangay Cantappoy sa Malimono, Surigao del Norte noong nakaraang Lunes ng hapon.
Ang mga namatay na crew ng barko ay nakilalang sina Marvin Lusica, electrician Norman Galon, at oiler Lemuel Davidas.
Nakilala naman ang anim na nasagip na crew na sina Noli Labucay, chief mate Roger Polo, Arjie Bacarra, Jojie Villanueva, Felipe Quebuen Jr., at John Renso Guanzon. Lima sa kanila ay agad na dinala sa Caraga Regional Hospital habang ang dalawa ay sa Malimono District Hospital.
May kargang nickel ore at 2,000 litro ng krudo ang LCT Cebu Great Ocean nang hampasin ito ng malalaking alon na dala ng bagyong Bising.
Inaalam pa ng Philippine Coast Guard kung saan papunta ang nasabing cargo ship nang maganap ang trahedya sa karagatan.
Nagpapatuloy ang search and rescue operations ng PCG at disaster response team sa 10 pang nawawala na hindi pa pinapangalanan.
- Latest