Ex-Governor Espino kritikal, 5 bodyguard utas sa ambush!
MANILA, Philippines – Nasa malubhang kalagayan si dating Pangasinan Governor at dati ring Congressman Amado “Ama” Espino Jr. matapos siyang tambangan at pagbabarilin ng hindi pa nakilalang armadong kalalakihan na ikinasawi ng 5 bodyguard nito sa Brgy. Magtaking, San Carlos City, kahapon ng hapon.
Base sa inisyal na ulat ng Pangasinan Provincial Police Office (PPO), sinabi ni PNP Spokesman Brig. Gen. Bernard Banac, dakong alas-4:30 ng hapon habang bumabagtas sa nasabing lugar ang behikulo ni Espino nang bigla na lamang itong paulanan ng bala ng mga suspek.
Sinabi ni Banac na ang dating kongresista ng ikalimang distrito ng Pangasinan ay nagtamo ng malubhang sugat at patuloy na isinasalba ang buhay sa Holy Blessed Family Hospital sa San Carlos City.
“We just learned that former governor and Cong. of Pangasinan Amado Espino, Jr. has just been ambushed and is now fighting for his life in a hospital in Pangasinan. All 5 of his bodyguards heroically shielded Espino with their bodies and they all perished,” ayon naman kay Senador Richard Gordon sa kanyang post sa Twitter.
Si Espino ay dating napasama sa narco-list ni Pangulong Rodrigo Duterte pero makalipas ang ilang araw ay nag-public apology ang punong ehekutibo sa pagsasabing mali ang impormasyon na naibigay sa kanila.
- Latest