Sasakyan ng lady Grab driver na inutas, narekober
MANILA, Philippines — Natagpuan na ng mga tauhan ng Cainta Municipal Police sa lalawigan ng Quezon ang sasakyan ng lady Grab driver na pinatay at isinilid sa sako ang bangkay nito sa ilalim ng lababo ng isang condominium unit sa Barangay San Andres, Cainta, Rizal noong Linggo.
Ayon kay P/Lt. Col. Alvin Consolacion, hepe ng Cainta Police, natagpuan ang itim na Toyota Avanza ng biktimang si Maria Cristina Palanca sa Lucena City matapos na isangla ng suspek na si Paolo Largado sa isa nitong kakilala.
Nagsasagawa na ng manhunt operation laban kay Largado na siya ring may-ari ng condominium unit kung saan natagpuang patay si Palanca.
Matatandaang si Palanca ay unang iniulat na nawawala ng kanyang mga kaanak noon pang Mayo 23. Huli siyang nakitang buhay nang nagmamadaling umalis ng bahay dahil may nagpa-book na pasahero galing sa isang mall sa Mandaluyong City at nagpahatid sa Manggahan, Pasig City.
Matapos na maihatid ni Palanca ang pasahero, nagtungo siya sa condominium ni Largado na nahagip pa ng CCTV ang pagbaba nito ng sasakyan at pagpasok sa gusali nang mag-isa. Nakita rin sa CCTV si Largado na lumabas ng gusali at sumakay sa sasakyan ng biktima at hindi na nagpakita pa sa naturang lugar.
Natuklasan na lang ang naaagnas na bangkay ng biktima na nakasilid sa sako at nakasiksik sa ilalim ng lababo ng condo unit nang mangamoy na ito.
Lumitaw naman sa awtopsiya na supokasyon ang ikinamatay ng biktima matapos na lagyan ng supot o plastik ang ulo nito.
Iniimbestigahan pa ng awtoridad kung ano ang kaugnayan ng biktima sa suspek, kung bakit siya nagtungo sa condo unit nito, at kung bakit siya pinatay.
- Latest