Arestadong ex-police colonel sa kidnap-slay, nakatakas!
MANILA, Philippines — Nagmistulang isang ‘palos’ sa dulas at bilis ang isang dating opisyal ng Parañaque Police na sangkot sa kasong kidnap-slay ng isang casino operator noong nakaraang taon nang wala pang halos 24-oras buhat nang madakma ng mga otoridad ay nagawa nitong malinlang at mabilis na matakasan ang mga security escort sa lalawigan ng Cagayan, kamakalawa.
Kinilala ni Police Regional Office (PRO) 2 Director P/Chief Supt. Amado Espino ang nasakoteng suspek na dating hepe ng Parañaque Police Intelligence Branch na si Supt. Johnny Orme. Nag-AWOL si Orme noong 2017 matapos masangkot sa iligal na aktibidades.
Si Orme ay nasakote nitong Sabado sa operasyon sa Brgy. Callao, Gonzaga, Cagayan dakong alas-8:00 ng gabi.
Gayunman, kinabukasan dakong alas-11:35 ng tanghali habang ibinibiyahe si Orme patungo sa himpilan ng Cagayan Provincial Police Office sa Tuguegarao City ay nagpahatid muna ito sa kanyang tahanan upang magpalit umano ng damit kung saan pagsapit sa bahay ay dito na nakakita ng pagkakataon para mabilis na matakasan ang kanyang mga escort.
Samantala, sa halip na magsagawa ng press conference sa pagkakadakip kay Orme sa Camp Marcelo Adduru kahapon, inanunsiyo na lamang ni Espino ang pagsibak kay Chief Insp. Jayson Cabauatan, hepe ng Gonzaga PNP dahil sa nangyaring kapalpakan.
- Latest