Chief of police utas sa drug bust
2 suspek arestado
MANILA, Philippines — Patay ang hepe ng pulisya ng Mallig, Isabela matapos na makabarilan ng mga awtoridad ang grupo ng mga pinaghihinalaang notoryus na tulak ng droga sa isinagawang buy bust operation sa bayan ng Mallig nitong Linggo, Father’s Day.
Sa ulat, kinilala ang napatay na si P/Sr. Inspector Angelo Tubaña, 31-anyos, miyembro ng Philippine National Police Academy (PNPA) Class 2013, at residente ng Brgy. Vira, Roxas, Isabela.
Sa report ni Sr. Supt. Mariano Rodriguez, acting provincial director ng Isabela Provincial Police Office, bandang alas-10:15 ng gabi nang pangunahan mismo ni Tubaña ang buy bust operation laban sa mga target na drug personality sa bisinidad ng national highway sa Brgy. Centro 1. Nang matunugan umano ng mga suspek na mga pulis ang kanilang naka-deal, bigla na lamang silang nagbunot ng baril at pinaputukan ang mga operatiba. Dito minalas na tamaan sa kanang bahagi ng katawan ang biktima habang mabilis na tumakas ang dalawang suspek gamit ang isang XRM 125 na motorsiklo.
Agad na isinugod sa Yumenas Hospital sa Roxas, Isabela si Tubaña pero binawian ng buhay habang isinasalba ng mga doktor.
Sa isinagawang follow-up operation kahapon ng umaga ng Provincial Intelligence Branch, Isabella Police at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG ) Region 2, nadakip naman ang dalawang suspek sa Brgy Nambaran, Tabuk City, Kalinga na sina Warren Bulawit, 19-anyos, tricycle driver ng Brgy. Nambaran, Tabuk City at 17-anyos na menor-de-edad.
?Samantala, natulala si Mallig Mayor Jose Calderon at hindi muna nakapagbigay ng pahayag sa media kaugnay sa pagkasawi ng kanyang chief of police.
- Latest