Kotse vs bus: Mag-utol dedo
MANILA, Philippines - Kamatayan ang sinapit ng magkapatid na lalaki makaraang magbanggaan ang kotse at pampasaherong bus kahabaan ng Maharlika Highway sa Barangay Angeles, bayan ng Atimonan, Quezon kahapon ng madaling araw.
Namatay habang ginagamot sa Doña Marta Memorial District Hospital ang magkapatid na sina Salvador Enriquez at Eligio Enriquez.
Sa ulat ng Quezon Police na nakarating sa Camp Crame, naitala ang sakuna bandang alas-2 ng madaling araw.
Sa imbestigasyon ng pulisya, bumabagtas ang Toyota Revo na minamaneho ni Salvador kasama ang kapatid nitong si Eligio nang makabanggaan ang Pintados Bus Liner na minamaneho ni Ramon delos Santos.
Bago naganap ang sakuna ay bahagyang nahagip ng kotse ng mag-utol ang Metro Manila-bound Philtranco Bus na minamaneho ni Allan Doringo.
Sa lakas ng pagkakabangga ay tumilapon ang SUV na sumalpok din sa barandilya sa Maharlika Highway bago ito tuluyang bumaliktad.
Wala namang naiulat na nasugatan sa mga pasahero ng bus.
- Latest