Sintunado hinataw ng bote sa ulo
QUEZON, Philippines – Malubhang nasugatan ang 38-anyos na binata makaraang hatawin ng bote nang senglot na kainuman dahil sa pagkanta nito ng sintunado kamakalawa ng hapon sa Sitio Wisak, Barangay Bukal Sur sa bayan ng Candelaria, Quezon. Kasalukuyang ginagamot sa Candelaria District Hospital sanhi ng sugat sa noo at mata ang biktimang si Virgilio Alvarez habang naaresto naman ang suspek na si Efren Batocabde, 41, factory worker. Sa imbestigasyon ng pulisya, bandang alas-4:50 ng hapon ay nagtungo ang biktima sa bahay ng kaibigang si Sergio Batocabe para makipag-inuman kasama ang iba pang kapitbahay. Nang malasing ay kinuha ng biktima ang mikropono ng videoke at kumanta subalit nasa kalagitnaan pa lamang ito ng inaawit ay kumuha ng bote ang suspek at ipinukpok sa noo ng biktima saka tumakas. Sa himpilan ng pulisya, inamin ng suspek na nagawa niyang hatawin ng bote ang biktima dahil hindi niya nagustuhan ang pagkanta nito na bukod sa pangit ay sintunado pa.
- Latest