AFP vs Abu: 20 sundalo sugatan
MANILA, Philippines - Umaabot na sa 20-sundalo ang nasugatan makaraang makasagupa ang mga bandidong Abu Sayyaf Group sa inilunsad na strike operation sa mga bayan ng Tipo-Tipo at Ungkaya Pukan, Basilan kahapon ng madaling araw.
Sa ulat ni Captain Jefferson Mamauag, spokesperson ng Army’s 1st Infantry Division, nakasagupa ng Army’s 104th Infantry Brigade ang mga bandido sa liblib na bahagi ng Sitio Pansul, Brgy. Silongkum sa bayan ng Tipo-Tipo.
Bandang alas-7:25 naman ng umaga nang muling makasagupa ng mga sundalo ang mga bandido sa pamumuno nina Basir Kaguran at Nurhassan Jamiri sa Barangay Baguindan, bayan ng Ungkaya Pukan.
Gayon pa man, tatlo sa tropa ng mga sundalo ay nagtamo ng tama ng bala habang 17 naman ang nasugatan dahil sa shrapnel sa palitan ng putok.
Sa kabuuang 20 sugatang sundalo, 14 ang inilipad ng UH-IH helicopter ng Philippine Air Force sa Camp Navarro Hospital sa Zamboanga City.
Pinaniniwalaan namang marami rin ang nalagas at nasugatan sa hanay ng mga nagsitakas na bandido.
- Latest