Paalam, Bacyadan may tiket na sa Paris
![Paalam, Bacyadan may tiket na sa Paris](https://media.philstar.com/photos/2024/06/02/1_2024-06-02_20-04-27.jpg)
MANILA, Philippines — Matagumpay si Tokyo Olympics silver medalist Carlo Paalam na masiguro ang kanyang return trip sa Olympics.
Ito ay matapos maipanalo ang kanyang laban sa semifinals ng 2nd Olympic Qualifying Tournament na ginaganap sa Hua Mak Indoor Stadium sa Bangkok, Thailand.
Nairehistro ni Paalam ang impresibong unanimous decision win laban kay Sachin Siwach ng India sa semifinals ng men’s 57-kilogram para matamis na kubrahin ang puwesto sa Paris Games.
Gaya ng inaasahan, mainit na ratsada ang inilabas ni Paalam kung saan hindi na nito pinaporma pa ang kanyang karibal sa buong panahon ng laban para makuha ang panalo.
Ito ang ikalawang appearance ni Paalam sa Olympic Games matapos ang kanyang matagumpay na pagkopo ng pilak sa Tokyo Olympics noong 2021.
Sa pagkakataong ito, nais ni Paalam na maibulsa na ang gintong medalya upang mas lalo pang maging maningning ang kanyang boxing career.
Makakasama ni Paalam sa Paris Olympics sina Eumir Marcial, Nesthy Petecio at Aira Villegas.
Samantala, tinalo ni Hergie Bacyadan si Maryelis Yriza ng Venezuela, 5-0 sa women’s middleweight category papasok sa gold medal round patungo sa pagsikwat ng tiket sa Paris Games..
Sina Paalam at Bacyadan ang ika-15 Pinoy athlete na nakapasok sa Paris Games,
- Latest