Mercury Drug, tatanggap na rin ng GL ng DSWD
MANILA, Philippines — Katuwang na ngayon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang Mercury Drug Corporation sa pagkakaloob ng serbisyo sa mga benepisyaryo ng Assistance to Individuals to Crisis Situation (AICS) ng ahensiya.
Ito ay makaraang makipagpulong si DSWD Secretary Rex Gatchalian sa mga opisyales ng Mercury Drug Corp. sa pangunguna ni MDC President Vivian Que-Azcona at iba pang opisyales ng kompanya at DSWD para pag-usapan ang tungkol sa paggamit ng mga benepisyaryo sa ipinagkakaloob na Guarantee Letter ng ahensiya para ipambili ng gamot sa kanilang botika.
Sa pamamagitan nang pagtutulungan ng magkabilang panig, maari na ngayong tumanggap ang mga sangay ng Mercury Drug ng GLs ng DSWD para sa bibilhing gamot ng mga benepisyaryo ng AICS.
Una nang sinabi ni DSWD spokesperson Irene Dumlao na ang mga botika sa Metro Manila na tumatangap ng DSWD-issued GLs ay Globo Asiatico Enterprises, Inc.; Onco Care Pharma Corporation; Urology Med Care, Inc.; Complete Solution Pharmacy and General Merchandise; Haran Pharmaceutical Product Distribution Ltd. Co.; Keminfinity, Inc.; Medinfinity, Inc.; JCS Pharmaceuticals, Inc.; Interpharma Solutions Philippines, Inc.; at botika sa ilalim ng Drugstores Association of the Philippines (DSAP).
Ang mga benepisyaryo naman na mula sa ibang rehiyon ay maaaring kontakin o bisitahin ang alinmang DSWD Field Office sa kanilang lugar para sa kumpletong talaan ng mga botika na natanggap ng DSWD-issued GLs.
Ang AICS ay isa sa mga social protection services ng DSWD na nagkakaloob ng medical, burial, transportation, education, food, o financial assistance sa mga indibidwal na nangangailangan ng tulong.
- Latest