Debut ni Baltazar diniskaril ng NorthPort
MANILA, Philippines — Ayaw paawat ng NorthPort matapos diskarilin ang inabangang debut ni No. 1 pick Justine Baltazar sa Converge, 108-101, sa 2024 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Maynila.
Muling nagpasiklab ang PBA Press Corps Player of the Week na si Joshua Munzon na kumamada ng 30 puntos upang tulungan ang Batang Pier na mapanatili ang solo liderato sa 13-team league.
Nagsahog siya ng 3 rebounds, 3 assists, 3 steals at 1 tapal para sa kumpletong numero para sa NorthPort na umangat sa 5-0 kartada.
Nagsilbing magandang kapares ni Munzon ang super import na si Kadeem Jack na humakot ng 32 puntos, 15 rebounds, 1 assist, 1 steal at 1 tapal.
Hindi rin siyempre nagpahuli ang ace player na si Arvin Tolentino na kumana ng 21 puntos, 13 rebounds, 2 assists at 2 steals habang may 13 puntos, 5 rebounds, 3 assists at 2 steals ang rookie na si Evan Nelle.
Kontra sa FiberXers na nakasama na sa wakas ang pambatong si Baltazar matapos ang matagal na paghihintay ay naghabol buong laro ang Batang Pier bago makaungos sa sa fourth quarter.
Naiwan ng hanggang 13 puntos ang NorthPort subalit kumawala sa payoff period tungo sa kanilang tagumpay matapos kaldagin ng NLEX, 114-87, Terrafirma, 113-101, Magnolia, 107-103 at Talk ‘N Text, 104-99.
- Latest