Cone nais ipasok ang Gilas system kay Boatwright
MANILA, Philippines — Ngayon pa lang, hangad ni Gilas Pilipinas head coach Tim Cone na maipasok na ang Gilas Pilipinas system kay Bennie Boatwright na kandidato para maging naturalized player ng national team.
Kaya naman nais ni Cone na makasama na ang mahusay na import sa training camp ng Gilas Pilipinas.
Si Boatwright ang isinusulong na karagdagang natualized player ng Gilas Pilipinas na siyang magiging kapalitan nina Justin Brownlee at Angelo Kouame — ang dalawang kasalukuyang naturalized players ng tropa.
Si Boatwright ang import ng San Miguel Beer sa PBA Season 49 Commissioner’s Cup kung saan pakay ng Beermen na madepensahan ang kanilang korona.
“I think he’ll be available maybe December or middle of January, maybe coming in with San Miguel. I don’t know for sure about that,” ani Cone sa programang Power and Play.
Dahil nasa bansa na si Boatwright, magandang pagkakataon ito para makasama sa training ng Gilas sa paghahanda nito sa third window ng FIBA Asia Cup 2025 Qualifiers na gaganapin sa Pebrero.
“But we do know he’s getting healthy. He’s somebody we need to get in and get into some of our practices so he can learn some of our system,” dagdag ni Cone.
Gumugulong na ang naturalization ni Boatwright kung saan hinihintay na lamang na umusad ito at maaprubahan.
- Latest