La Salle humirit ng game 3
MANILA, Philippines — Humaba ang hininga ng defending champion De La Salle University matapos nilang kalusin sa pahirapang laban ang University of the Philippines, 76-75 sa Game 2 ng UAAP Season 87 men’s basketball finals na nilaro sa Mall of Asia Arena sa Pasay City kagabi.
Inakbayan ni back-to-back Most Valuable Player Kevin Quiambao ang Green Archers upang manatiling may tsansa sa dinedepensang korona matapos umahon sa eight-point pagkakalubog sa fourth quarter.
Ipinakita ng Green Archers ang solidong opensa at depensa sa unang dalawang periods kaya naman nahawakan nila ang tatlong puntos na bentahe, 39-36 sa halftime.
Naibaba ng Fighting Maroons ang hinahabol sa isang puntos, 51-52 may 4:10 minuto pa sa third canto bago maagaw ang bentahe, 54-52 may 3:05 na lang bago pumasok ng payoff period.
Nagpatuloy ang mainit na laro ng UP kaya naman nanatili sa kanila ang manibela, 62-54 sa pagtatapos ng third quarter.
Lamang pa rin ng walong puntos ang Fighting Maroons, 65-57 sa huling 7:48 minuto sa fourth canto pero unti-unting naibaba ng Green Archers ang hinahabol sa dalawa, 73-71 nang isalpak ni Quiambao ang clutch three may dalawang minuto na lamang sa orasan.
Naagaw ng DLSU ang bentahe, 76-75 matapos pumuntos sina Quiambao at Michael Philipps may 23 segundo na lang sa laro.
Ilang beses nagkaroon ng tsansa ang Fighting Maroons na makuha muli ang lamang subalit nagmintis si Francis Lopez sa kanyang dalawang free throws.
Pangalawang pagkakataon ng magmintis din ang dalawang libreng tira ni Philipps, nahablot ni Lopez ang rebound pero masama ang pasa nito sa kakampi niyang si JD Cagulangan.
- Latest