Altas pinigil ng Cardinals
MANILA, Philippines — Pinigilan ng Mapua University ang hangad ng University of Perpetual Help System DALTA na makasosyo sa liderato matapos agawin ang 71-65 panalo sa NCAA Season 100 men’s basketball kahapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Nagpaputok si reigning MVP Clint Escamis ng career-high 28 points para akayin ang Cardinals sa 2-1 kartada katabla ang Altas at nagdedepensang San Beda Red Lions sa ilalim ng St. Benilde Blazers (3-0).
Ito ang ikalawang sunod na ratsada ng tropa ni coach Randy Alcantara matapos ang naunang 69-66 pagtakas sa Emilio Aguinaldo College.
“Kinausap ko siya. Sabi ko kapag mga last five minutes or last two minutes kailangan takeover na tayo kasi tayo iyong mga veterans eh,” ani Escamis kay Cyrus Cuenco na nagsalpak ng three-point shot sa huling 1:59 minuto ng fourth period para sa 64-62 abante ng Mapua.
Sinundan ito ng triple ni Escamis na nag-iwan sa Perpetual ni mentor Olsen Racela sa 67-62 sa huling 1:23 minuto sa laro.
Huling nakadikit ang Altas sa 65-67 galing sa tres ni rookie guard Mark Gojo Cruz sa nalalabing 1:16 minuto.
Sa unang laro, humataw si Ato Barba ng 28 points tampok ang limang tres para sa 97-92 pagdaig ng Lyceum of the Philippines University sa Jose Rizal University.
Lugmok ang Heavy Bombers sa 0-3.
- Latest