Gasol hinirang na Global Ambassador ng FIBA World Cup
MANILA, Philippines — Matapos si Argentina superstar Luis Scola ay si NBA legend Pau Gasol ng Spain ang hinirang namang Global Ambassador para sa 2023 FIBA World Cup.
Ang World Cup ay pamamahalaan ng Pilipinas, Japan at Indonesia simula sa Agosto.
Binanderahan ni Gasol ang Spain sa paghahari sa World Cup noong 2006 sa Japan.
Sa nasabing edisyon ay nagposte si Gasol ng mga averages na 21.2 points at 9.4 rebounds per game at hinirang na MVP.
Unang naglaro si Gasol sa World Cup noong 2002 sa Indianapolis kung saan tumapos ang Spain sa fifth place.
“The World Cup is the toughest trophy in basketball to win,” sabi ni Gasol. “A winning team needs character and chemistry and teammates who will pick you up when you’re down.”
Sa huli niyang World Cup appearance sa Spain noong 2014 ay iginiya ni Gasol ang kanyang tropa sa anim na sunod na panalo bago natalo sa France sa quarterfinals.
Sa kabuuan ay naglaro si Gasol sa tatlong World Cups, limang Olympics at pitong FIBA EuroBaskets.
Natulungan niya ang Spain sa pagkopo sa silver noong 2008 at 2012 Olympics at bronze noong 2016.
“This is a great honor for me to be a part of such a great team of basketball legends and to join Luis Scola, a true legend and one of my toughest rivals, in this role as Global Ambassador for the 2023 World Cup,” ani Gasol.
- Latest