Harden, Gordon bumida
Rockets kinaldag ang Hornets
HOUSTON -- Nagbagsak si James Harden ng 28 points, 10 assists at 6 rebounds at nagdagdag si Eric Gordon ng 22 markers para tulungan ang Rockets na angkinin ang 118-106 panalo laban sa bisitang Charlotte Hornets.
Ito ang pang-siyam na sunod na arangkada ng Houston kasabay ng pagpapatikim sa Charlotte ng ikalawang dikit nitong pagkatalo.
Nanaig ang Rockets sa kabila ng pagpoposte ni guard Hornets’ star Kemba Walker ng 40 points, 10 rebounds at 7 assists.
Lumamang ang Houston ng 28 points sa third quarter bago ito napababa ng Charlotte sa 13-point deficit sa pagsisimula ng fourth Period.
Ang 7-2 atake ng Rockets na tinampukan ng dunk ni Kenneth Faried ang nag-iwan sa Hornets sa 116-101 sa huling 1:30 minuto ng labanan.
Nakahugot ang Houston ng 19 points at 15 rebounds mula kay center Clint Capela habang naglista si guard Chris Paul ng 10 points at 10 rebounds.
Sa Los Angeles, humataw si guard Lou Williams ng 34 points para pangunahan ang Clippers sa 140-115 pagmasaker sa Boston Celtics.
Dumiretso ang Los Angeles sa kanilang pang-limang sunod na panalo.
Nag-ambag si Danilo Gallinari ng 25 points kasunod ang 20 markers ni Montrezl Harrell para sa Clippers, nagtala ng 30-point lead sa fourth quarter at hindi na nilingon ang Boston.
Sa Salt Lake City, tumipa si Dennis Schroder ng 24 points habang tumapos si Russell Westbrook na may 23 points, 11 rebounds at 8 assists sa 98-89 paggupo ng Oklahoma City Thunder sa Utah Jazz.
Winalis ng Thunder ang kanilang season series ng Jazz.
- Latest