E-Painters, Hotshots unahan sa semis spot
MANILA, Philippines — Isa lamang sa Rain or Shine at Magnolia ang papasok sa best-of-seven semifinals series ng Season 49 PBA Governors’ Cup.
Maghaharap sa huling pagkakataon ang Elasto Painters at Hotshots ngayong alas-7:30 ng gabi sa Game Five ng kanilang quarterfinals showdown sa Ynares Center sa Antipolo City.
Tabla sa 2-2 ang best-of-five duel ng Rain or Shine at Magnolia kung saan ang mananalo ang sasagupa sa nagdedepensang TNT Tropang Giga, winalis ang NLEX sa kanilang quarterfinals war sa 3-0, sa semifinals sa susunod na linggo.
Kinuha ng Elasto Painters ang Game One, 109-105, bago nakatabla ang Hotshots sa Game Two, 121-69.
Niresbakan ng Rain or Shine ang Magnolia sa Game Three via overtime, 111-106, habang inagaw ng huli ang Game Four, 129-100, para ikasa ang ‘do-or-die’ Game Five.
“Iyong experience of playing a Game 5, of being in a winner-take-all situation, sa akin, kasama na ng build up ‘yun,” ani Elasto Painters’ coach Yeng Guiao. “ We’re always getting better every playoff game that we played.”
Hindi naman dapat bumitaw ang Hotshots mula umpisa hanggang sa huling segundo ng laro, ayon kay mentor Chito Victolero.
“In order for us to win the war, we need to grind for 53 minutes. I think my players were so focused and they wanted to have another chance,” wika nito.
- Latest