Globalport pinigil ang SMB
MANILA, Philippines — Kasabay ng pagkakasibak kay import Malcolm White sa huling 8:09 minuto ng fourth quarter ay ang inaasahang pagkalugmok ng Globalport.
Ngunit hindi isinuko nina Stanley Pringle, Nico Elorde at Moala Tautuaa ang laban nang akayin ang Batang Pier sa 98-94 paglusot laban sa nagdedepensang San Miguel Beermen sa 2018 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa MOA Arena sa Pasay City.
Itinaas ng Globalport ang kanilang baraha sa 4-4 para palakasin ang tsansa sa eight-team quarterfinals cast kasabay ng pagpigil sa three-game winning streak ng San Miguel (3-4).
“We played together today and we played with some emotions and that carried us through all day,” sabi ni Pringle, tumapos na may 22 points, 8 assists at 3 steals para sa tropa ni coach Pido Jarencio.
Itinala ng Beermen ang 12-point lead, 67-55 mula sa fastbreak basket ni Arwind Santos sa 6:38 minuto ng third period hanggang makalapit ang Batang Pier sa 80-83 agwat sa 8:16 minuto ng fourth quarter.
Napatalsik naman si White sa 8:09 minuto ng laro matapos ang ikalawang technical foul galing sa kanyang hard foul kay San Miguel reinforcement Renaldo Balkman.
Subalit nagtuwang sina Pringle, Elorde at Tautuaa para ibigay sa Globalport ang 97-94 bentahe sa huling 19.7 segundo.
Ang turnover ni Balkman sa natitirang 16.2 segundo sa posesyon ng Beermen ang nagresulta sa split ni Elorde, nagsalpak ng three-point shot para sa 95-92 bentahe ng Batang Pier, para sa final score.
“Sa sarili ko lang hindi ko alam kung paano ko tatalunin itong San Miguel eh,” sabi ni Jarencio, nakahugot kay White ng 25 points.
- Latest