Hawks pinulutan ng Warriors
SAN FRANCISCO, Philippines — Kumamada si Andrew Wiggins ng 27 points at nag-ambag si Stephen Curry ng 23 points para akbayan ang Golden State Warriors sa 120-97 pagpapabagsak sa Atlanta Hawks.
Humakot si Trayce Jackson-Davis ng 14 points at 11 rebounds habang may 11 markers si Buddy Hield para sa Warriors (11-3).
Binanderahan ni Jalen Johnson ang Hawks (7-9) sa kanyang 15 points at 14 rebounds at tumipa si Trae Young ng 12 points at 11 assists.
Ang three-point shot ni Hield ang nagbigay sa Golden State ng 29-17 abante sa first period patungo sa 67-42 halftime lead na hindi na napababa ng Atlanta.
Sa Milwaukee, humakot si Giannis Antetokounmpo ng 41 points, 9 rebounds at 8 assists sa 122-106 pagsuwag ng Bucks (6-9) sa Chicago Bulls (6-10).
Sa Phoenix, bumanat si Jalen Brunson ng 36 points para giyahan ang New York Knicks (9-6) sa 138-122 pagpapalamig sa Suns (9-7).
Sa Houston, nagsampay si Alperen Sengun ng season-high 31 points at 12 rebounds sa 130-113 pagpapasabog ng Rockets (11-5) sa Indiana Pacers (6-9).
Sa Cleveland, naglista si Ty Jerome ng career-high 29 points sa 128-100 paggupo ng Cavaliers (16-1) sa New Orleans Pelicans (4-12).
Sa Oklahoma City, nagsalpak si Jalen Williams ng 30 points para sa 109-99 panalo ng Thunder (12-4) sa Portland Trail Blazers (6-9).
Sa Memphis, umiskor si Jaren Jackson Jr. ng 25 points para sa 117-111 pagdaig ng Grizzlies (9-7) sa Philadelphia 76ers (2-12).
- Latest