Lady Chiefs pumuwersa ng 3-way tie sa women’s volleyball
MANILA, Philippines – Nalusutan ng nagdedepensang Arellano University ang matikas na hamon ng University of Perpetual Help, 25-17, 25-16, 21-25, 25-16, upang maipuwersa ang three-way tie sa unahan ng NCAA Season 91 women's volleyball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Muling naasahan ng Lady Chiefs si Christine Joy Rosario na nagpakalat ng 12 puntos, habang nakatulong sina Rialen Sante at Danna Henson na nagdagdag ng tig-11 puntos.
Ito ang ikatlong sunod na panalo ng Arellano para makasama ang San Sebastian Lady Stags (3-0) at St. Benilde Lady Blazers (3-0) sa tuktok ng standings.
Nakuha ng Benilde ang kanilang ikatlong panalo matapos payukuin ang Lyceum of the Philippines University, 25-15, 25-19, 25-14.
Pumalo sina Janine Navarro at Jeanette Panaga ng tig-11 puntos na kanilang nagawa sa tulong ng beteranong setter na si Djanel Welch Cheng.
"It was our defense. We did a great job of stopping their attackers," ani St. Benilde coach Michael Cariño na sariwa pa sa pagbitbit sa Cignal HD TV sa kampeonato sa Spikers' Turf Reinforced Conference.
Sa men's division, iginupo ng St. Benilde ang Lyceum, 25-20, 17-25, 25-22, 25-20, para samahan ang defending champion Emilio Aguinaldo sa unang puwesto (3-0).
Nanguna si national mainstay Johnvic de Guzman na bumira ng 21 puntos para sa Blazers, habang nag-ambag sina Isaah Oneal Arda at Racmade Etrone, 14 at 11 puntos, ayon sa pagkakasunod.
- Latest