Meralco dumaan sa 2-OT bago nakalusot
MANILA, Philippines - Naging mahirap para kay Norman Black ang pag-angkin sa kanyang unang panalo bilang bagong head coach ng Meralco.
Tinakasan ng Bolts ang Barako Bull Energy via double overtime, 112-108, para sa kanilang unang panalo sa 2014 PBA Philippine Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Umiskor si Reynel Hugnatan ng 28 points kasunod ang 14 ni Sean Anthony, 13 ni John Wilson at tig-10 nina Cliff Hodge at Simon Atkins para sa Meralco.
“That was a well earned victory for us. We really need to work hard to get that win,” sabi ni Black, pumalit kay Ryan Gregorio bilang bench tactician ng Bolts.
Bumangon ang Meralco mula sa 15-point deficit, 28-43, sa Barako Bull sa second period para agawin ang unahan sa 81-76 sa 8:53 ng third quarter.
Muling napasakamay ng Energy ang kalamangan sa 90-88 sa huling 21.9 segundo buhat sa basket ni Jake Pascual kasunod ang dalawang free throws ni Gary David na nagtabla sa Bolts sa 90-90 sa nalalabing 13.6 segundo patungo sa unang overtime.
Dinala ni Chico Lanete ang Barako Bull sa ikalawang extension, 101-101, makaraang isalpak ang kanyang drive bago tumunog ang buzzer.
Sa pangalawang extra period ay nagtuwang sina Hugnatan, Hodge at Wilson para ibigay sa Meralco ang 110-105 bentahe sa huling 19.1 segundo.
“It’s a good start for us. It’s the start we’re looking for. We’ll just continue to try to get better, and it’s just a matter of taking care of our execution,” sabi ni Black.
Pinangunahan ni Lanete ang Energy sa kanyang 21 markers, habang nagdagdag ng 20 si JC Intal, ang 12 dito ay kanyang iniskor sa first half, kasunod ang 16 ni Willy Wilson, 15 ni Denok Miranda at 14 ni RR Garcia.
Meralco 112 - Hugnatan 28, Anthony 14, Wilson 13, Atkins 10, Hodge 10, Ferriols 10, Dillinger 7, David 6, Cortez 4, Sena 4, Guevarra 4, Morrison 2, Buenafe 0, Ildefonso 0, Macapagal 0.
Barako Bull 108 - Lanete 21, Intal 20, Wilson 16, Miranda 15, Garcia 14, Lastimosa 6, Pennisi 5, Marcelo 4, Pascual 4, Fortuna 3, Salva 0, Salvador 0, Paredes 0.
Quarterscores: 19-25; 45-54; 71-76; 90-90; 101-101 (1st OT); 112-108 (2nd OT).
- Latest