^

PSN Opinyon

EDITORYAL — Extradition ni Quiboloy

Pilipino Star Ngayon

NOONG nakaraang linggo, naglabas ang Makati Regional Trial Court (MRTC) ng extradition warrant of arrest laban kay Kingdom of Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy at dalawa niyang kasama. Ito ay matapos humiling ang United States na maipadala sila roon upang harapin ang mga kasong kina­bibilangan ng human trafficking, sex trafficking, child and sexual abuse, conspiracy at bulk cash smuggling.

Naaresto si Quiboloy noong Set. 8, 2024 sa KOJC Compound, Davao City makaraan ang ilang linggong standoff.

Ang extradition warrant ng MRTC ay mala­king development ito. Pero mahalagang lina­win: ang extradition ay hindi conviction.

Ang extradition proceeding ay para malaman kung legal na maaaring isuko ang isang akusado sa ibang bansa upang doon litisin.

Hindi nito tinutukoy kung guilty o innocent si Quiboloy sa mga kasong isinampa laban sa kanya. May pagkakataon siyang sagutin at kuwestiyunin ang extradition request sa ilalim ng proseso ng korte.

Kasabay nito, mayroon din siyang kinakaharap na mga kaso sa Pilipinas, kabilang ang qualified human trafficking at child at sexual abuse cases sa Pasig at Quezon City. Itinanggi naman ni Quiboloy ang lahat ng alegasyon laban sa kanya.

Dito nagiging kumplikado ang usapin. Sa ilalim ng Philippines-U.S. Extradition Treaty, ma­aaring ipagpaliban muna ng Pilipinas ang kanyang pagsuko hanggang matapos ang local proceedings. Maaari rin siyang pansamantalang ibigay sa U.S. custody upang doon huma­rap sa paglilitis bago ibalik sa Pilipinas.

Kaya hindi dapat mauwi ang debate sa simpleng pagpili kung Pilipinas o U.S. ang dapat mauna.

Ang mas mahalaga, tiyaking walang kasong mawawala sa pagitan ng dalawang sistema. Kung haharap si Quiboloy sa U.S. court, hindi dapat makalimutan ang mga kasong isinampa rito.

Kung mauuna naman ang local trials, hindi rin dapat gamitin ang mga ito bilang dahilan upang walang katapusang maantala ang extra­dition proceedings.

Pareho ring mahalaga ang due process ng akusado at ang karapatan ng mga nagsasabing sila ay biktima na makita ang kanilang mga alegasyon na maayos na dinidinig ng korte.

Ang tunay na sukatan ng hustisya ay hindi kung saang bansa unang lilitisin ang lider ng KOJC. Ang mahalaga, walang kasong ma­ta­bunan, walang prosesong manipulahin, at bawat alegasyon ay masuri at mapag-aralan batay sa ebidensiya at batas.

TRENDING

  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with