Bagong PNP chief
ITINALAGA si Gen. Nicolas Torre III na bagong PNP chief. Siya ang unang nagtapos sa Philippine National Police Academy (PNPA) na naging PNP chief. Ang mga nakaraang PNP chief ay nagtapos sa Philippine Military Academy (PMA).
At tulad ng lahat ng naging PNP chief, marami ang ipinangakong reporma ni Torre. Pero masabi ko na muna ang kanyang pahayag na magtatag ng mas malapit na ugnayan sa Commission on Human Rights (CHR). Katunayan nga, siya ang kauna-unahang PNP chief na nagtungo sa CHR at dumalo sa flag-raising ceremony nila
Sa pagkaalam ko, batay sa mga nakaraang taon, na madalas hindi nagkakasundo ang PNP at CHR. Sa katunayan nga, mas madalas ang alitan at bangayan. Nagpahayag si Torre na ang CHR ay kanilang “boss” sa pagpapatupad ng karapatang pantao. Natuwa naman si Richard Palpal-Latoc, CHR chairman sa mga pahayag at pangako ni Torre. Wala na kayang extrajudicial killings (EJK)?
Nilinaw naman ni Torre na walang pabuya sa mga pulis sa bawat maarestong suspek. Ang nais niya ay maging “performance oriented” ang kapulisan. Mabuti na ang malinaw. Hindi pa rin nawawala ang usapin na may pabuya sa mga pulis para sa bawat maaresto o mapatay pa nga noong nakaraang administrasyon. Nangako ring pananagutin ang mga tiwali sa PNP. Sana nga.
Nais din ni Torre na pabilisin ang response time o ang bilis ng pag responde ng pulis kapag kinailangan, tulad kung may krimeng nagaganap o kung may emergency. Ang nais niya ay makaresponde ang pulis sa loob ng tatlong minuto. Alam ko, hindi kaagad nakararating ang pulis sa mga tawag.
Nais din niyang maging walong oras ang shift ng mga pulis imbis na 12 oras. Ito ay para mas nakakapahinga sila at mas may panahon para sa kani-kanilang pamilya. Pinag-iisipan ding tanggalin ang mga presinto para lakarin ng mga pulis ang kanilang nakatalagang komunidad. Hindi iyong nasa presinto lang at panay cell phone lamang ang inaatupag. ‘Di kaya maraming umangal dito?
May mga kakasuhan na ngang mga pulis si National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Maj. Gen. Anthony Aberin dahil sa iniwanan ang help desk at paggamit ng cell phone habang naka-duty. Baka nga nagiging tambayan lang ang mga presinto hanggang matapos ang mga shift.
Modernisasyon din ang hangad ni Torre para sa PNP. Kabilang na diyan ang mga hi-tech na gamit para makatulong sa paghuli ng mga suspek. Hindi lang naman baril ang kailangan ng PNP para maging epektibo sa pagsugpo ng krimen. Pero masabi ko muna, nasaan ang mga body cameras na ilang beses nang ipinangako ng PNP na gagamitin? Parang wala naman akong nababalitaang nagagamit na. Baka diyan na muna magsimula si Torre.
Mga magagandang reporma lahat iyan, kung mapapatupad. Hanggang Marso ng 2026 ang termino ni Torre kaya maikli lang ang oras para ipatupad ang lahat ng kanyang reporma. Ganun pa man, binabati ko siya. Dapat talaga magbago na ang imahe ng PNP sa taumbayan.
- Latest