EDITORYAL - Hindi simpleng ‘slip of the tongue’
NAGDULOT ng panibagong tensiyon at pag-aagam-agam ang mga binitawang pahayag ni Chinese Ambassador Jing Quan. Hindi dapat isantabi ang mga pinahayag ng ambassador na may kahulugan.
Sinabi ni Quan, kung gagamit ng puwersa ang China laban sa Pilipinas, madali silang mananalo bagaman agad din niyang sinabing hindi gagamit ng puwersa ang Beijing at nais nitong mapanatili ang kapayapaan.
Para naman sa Department of Foreign Affairs (DFA), ang ganitong pananalita ay tila isang “thinly veiled threat” o hayagang pagbabanta.
Sinabi naman ng Chinese Embassy na mali ang interpretasyon ng DFA at iniwasto sa tamang konteksto ang pahayag ng ambassador.
Si Jing Quan ang madalas magsabi na ang Pilipinas ang laging nagsisimula ng kaguluhan sa West Philippine Sea. Pumapasok daw sa teritoryo nila ang mga barko ng Pilipinas na malaking kasinungalingan.
Sa sinabing “banta” ni Jing Quan, maaaring magkaiba ang interpretasyon. Pero isang bagay ang malinaw: Sa diplomasya, may bigat at epekto ang bawat salitang binibitawan
Kapag ambassador ang nagsasalita, hindi lamang personal na opinyon ang naririnig ng publiko. Kinakatawan niya ang kanyang bansa.
Kaya kapag binanggit ang posibilidad ng paggamit ng puwersa at ipinapaalala na madali silang mananalo, hindi nakapagtatakang mabasa iyon bilang pananakot, kahit sabayan pa ng pahayag tungkol sa kapayapaan.
Sinabi rin ni President Ferdinand Marcos Jr. na nais niyang ipatawag si Jing upang malinawan kung ano talaga ang ibig sabihin nito.
Para naman kay Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., hindi “slip of the tongue” o simpleng pagkakamali sa pananalita ang nangyari.
Mahalaga pa rin ang dialogue sa pagitan ng Pilipinas at China, lalo na habang nananatiling mainit ang usapin sa West Philippine Sea.
Pero hindi magiging madali ang pag-uusap kung bawat panawagan sa kapayapaan ay may kasamang paalala kung sino ang mas malakas.
Hindi rin kailangang tapatan ng Pilipinas ng mas maiinit na salita ang bawat matinding pahayag mula sa China.
Mas mahalaga ang malinaw na diplomatic protest, maingat na pakikipag-usap at tuluy-tuloy na paggiit sa ating karapatan sa ilalim ng international law.
Kung tunay na kapayapaan ang layunin, dapat iyon ang marinig sa salita at makita sa kilos.
Sa diplomasya, respeto ang pinakamabisang paraan para mapanatiling bukas ang usapan.
- Latest















