Super Typhoon nagbabantang pumasok sa PAR sa sunod na linggo – PAGASA

MANILA, Philippines — Nagbabantang pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong namataan sa timog-silangan ng Guam at inaasahang magiging super typhoon sa oras na makapasok ito sa bansa sa Martes o Miyerkules, ayon sa ulat ng PAGASA kahapon.
Ayon sa PAGASA, alas-8 ng umaga kahapon, Oktubre 16, namataan ang international tropical storm na Champi sa layong 3,100 kilometro silangan ng Visayas. Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 85 km kada oras at pagbugsong hanggang 105 km kada oras habang kumikilos pakanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras.
Kapag pumasok sa PAR si Champi, tatawagin itong bagyong Rosal, ang ika-18 bagyo ngayong taon at unang bagyo sa buwan ng Oktubre.
Gayunman, mababa ang posibilidad na mag-landfall ang bagyo sa alinmang bahagi ng bansa.
Inaasahang magpapatuloy ito sa pagkilos pahilagang-kanluran sa Philippine Sea patungo sa Ryukyu Islands o Taiwan bago matapos ang susunod na linggo.
Maaari namang maapektuhan ng lawak o extension ng bagyo ang silangang bahagi ng Luzon at Visayas, na posibleng magdala ng mga pag-ulan sa mga nasabing lugar.
Samantala, inaasahang makararanas ng paminsan-minsang pag-ulan ngayong weekend ang mga bahagi ng Central at Southern Philippines dulot ng Intertropical Convergence Zone (ITCZ) at humid easterlies.
- Latest


























