7-7-7 ang ayudang pampulitika, 0-0-0 ang Pantawid Pamilya
SINO ba ang kapani-paniwala—ang mga nagtatatwa ng “7-7-7 racket” o ang mga namumudmod ng ayuda para mahalal?
Disyembre pa binunyag ni Baguio City mayor Benjie Magalong ang “7-7-7”. Ito’y ang P7-milyong AKAP, P7-milyong TUPAD, P7-milyong AICS ng bawat kongresista para pambili ng boto.
AKAP ay Ayuda para sa Kapos Kita Program. TUPAD ay Tulong Panghanapbuhay sa Disadvantaged. AICS ay Assistance to Individuals in Crisis Situation.
Mahigit tig-P26 bilyon mula sa ating mga buwis ang nilaan ng Marcos Jr. admin para sa pamumudmod sa kanilang mga alipores. Kung malakas sa admin ang politko, tig P7-milyong AKAP, TUPAD at AICS—kabuuang P21 milyon—ang balato kada pamumudmod. Ku’ng dalawang beses sumali, P42 milyon. Kung apat na beses, P84 milyon.
Nu’ng binisto ni Magalong ang malaking katiwalian, pinabulaanan agad ito ng mga kongresistang sipsip kay BBM. Pero hindi natinag si Magalong. Patuloy ang pagbatikos niya.
Biglang litaw ni Sam Versoza sa online video. Bilang kandidatong mayor ng Manila, namigay daw sila ng kalahating bilyong piso—ganu’n-ganu’n lang—sa mga botante. Co-founder si Versoza ng Frontrow, multi-level marketing ng beauty products. Rep din siya ng Tutok Party-list.
Hindi kaya alam ni Versoza na krimen ang mamudmod ng pera habang election period? O alam niya, pero wala siyang pakialam? Malinaw sa video na tuwang-tuwa siya sa inanunsyo niyang pamumudmod ng P500 milyon.
Sobra kung mandambong ang Marcos administration Hindi alintana na nawalan ng pondo ang 4Ps o Pantawid Pamilyang Pilipino Program dahil nilipat sa ayu-ayuda. Ang masaklap, nasa batas-4Ps na dapat itong pondohan, samantalang hindi batas kundi gimik lang ang 7-7-7 ayuda.
- Latest