^

PSN Opinyon

Ang ating long-distance relationship sa Italya

KasamBuhay - Jing Castañeda - Philstar.com
Ang ating long-distance relationship sa Italya
Ang Pangulo ng Italya na si Sergio Mattarella kasama si Amb. Nathaniel “Neal” Imperial sa kanyang Pagtatanghal ng mga Kredensyal sa Palazzo del Quirinale noong 15 Hunyo 2023.
Palazzo del Quirinale

Habang binabalangkas ng Italian Parliament ang Indo-Pacific Strategy nito, maaari natin bilangin ang Italya na isa pang bansang kaalyado natin sa pagtataguyod ng ating karapatan sa West Philippine Sea.

Kabilang sa mga naimbitahang magbahagi ng kanilang input sa isang fact-finding hearing ng Italian Parliament ay ang ating top envoy sa Roma, si Ambassador Nathaniel “Neal” Imperial. Alinsunod sa paninindigan ng gobyerno ng Pilipinas sa usapin, sinabi ng ambassador sa subcommittee na inaasahan ng ating gobyerno na ang “Italya, bilang isang pangunahing stakeholder sa Indo-Pacific, ay susuporta sa panuntunan ng batas at patakaran sa ating rehiyon.”

Dati nang ipinahayag ng Italya ang suporta nito para sa pandaigdigang batas o International Law, nang kinilala nila ang 2016 Arbitration Ruling ng Hague sa communique na ipinagtibay ng Group of Seven (G7) noong 2023 at muli nitong Hunyo 2024 (sa ilalim ng G7 presidency ng Italya), at nang kanila ring kinondena ang mga agresibong aksyon ng Tsina laban sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas.

Itinuturing ko si Neal bilang isa sa mga malalapit kong kaibigan mula pa noong kami’y nasa kolehiyo sa Ateneo.  Sa aming muling pagkakamustahan, marami akong natutunan tungkol sa ating relasyon sa Italya, at kung papaano nakikipag-sapalaran doon ang ating mga kababayan.

Pagtitiyak sa kinabukasan ng mga Pilipino sa ibang bansa

Bukod sa pagiging alter ego ng pangulo sa mga isyu ng foreign policy sa Italya, mayroon ding isa pang mahalagang marching order para sa ating ambassador:  Pangalagaan ang lumalaking komunidad ng mahigit 160,000 Pilipino sa Italya, ang pinakamalaking diaspora ng mga Pilipino sa European Union.

"Ito ang isa sa aming mga pangunahing prayoridad, at nagagawa namin ito sa pamamagitan ng pag-enganyo at pagsasali sa kanila sa aming mga aktibidad at programa," sabi ni Neal. “Ginagawa din namin ang aming makakaya upang gawing mas mainam at mabisa ang aming consular at labor services habang kami ay nakikipag-ugnayan sa bawat Pilipino.”

Dagdag pa niya, nagiging karaniwan na sa ating mga Overseas Filipino Worker ang pagtataguyod ng kanilang pamilya sa Italya. "Sa katunayan, ang mga matagal nang narito ay kasama na rin ngayon ang pangalawa o pangatlong henerasyon ng kanilang pamilya."

Ang mga sumunod na henerasyong ito, ayon kay Neal, ay mas madaling nakapag-integrate sa lipunan ng Italya. "Mahusay sila sa wika, at marami sa kanila ang nagtatapos ng pag-aaral sa kolehiyo o unibersidad."

Binisita namin ng aking pamilya si Amb. Neal Imperial nang kami’y pumunta sa Philippine Embassy sa Rome, Italy.

"Isang mahalagang bahagi ng aming misyon ay matiyak na ang mga susunod na henerasyon ng mga Pilipino dito sa Italya ay makahahanap ng mas mabuting antas ng edukasyon at mga mas magagandang oportunidad kaysa sa kung ano ang mayroon ang kanilang mga magulang," sabi ni Neal.   Ako mismo, bilang isang advocate ng pamilya, ay nakatitiyak na tayong lahat ay may pangarap na mabigyan ang ating pamilya ng mas maayos na buhay kaysa sa atin.

Ibinahagi ni Neal ang isang isyu na napansin niya sa mga sumunod na henerasyon ng mga migranteng Pilipino. Ayon sa ambassador, napansin ng kanyang opisina na ang ilan sa kanila ay madalas binabalewala ang mas mataas na antas ng edukasyon, at sa halip ay nananatili sa mga part-time na trabaho na malamang ay wala masyadong pakinabang sa kanilang long-term career.

"Iyon ang dahilan kung bakit nais ng aming embahada na mag-focus sa mga hakbang na kukumbinsi sa mga migranteng pamilya na panatilihin ang kanilang mga anak sa paaralan para makatapos sa mas mataas na edukasyon," sabi ni Neal. "Ang mataas na kalidad na edukasyon at pagsasanay dito ay magbubukas ng mas marami pang mga pinto at mas magandang pagkakataon para sa mga kabataan. Bilang isa sa pinakamalaking komunidad ng diaspora sa Italya, ang mga Pilipino at mga Filipino-Italian ay may mahalagang papel sa lipunan ng Italya."   Ito ay ang matiyak ang kinabukasan ng mga anak ng ating kapwa Pilipino sa Italya na mamuhay nang mas mahusay kaysa sa kanilang mga magulang.

Ang Pilipinong panlasa sa Roma

Pinangunahan ni Amb. Neal Imperial, Agriculture Undersecretary Asis Perez, at Deputy Counselor Cristina Costa ng Italian Ministry of Foreign Affairs and International Cooperation ang pag-unveil ng digital Filipino food guide.

Ang isa pang pangunahing proyekto ng ating Philippine Embassy sa Italya ay ang paglalathala ng isang restaurant guide na tinatawag na From Home to Rome: Filipino Cuisine in the Eaternal City - Filipino Food & Restaurant Guide in Rome. Ang guide na ito ay inilunsad kasabay ng ating pagdiriwang ng Filipino Food Month. Ang e-guide ay produkto ng pakikipagtulungan ng embahada sa mga Filipino restaurateurs sa Roma na, ayon sa embahada, "ay tumutulong na itaas ang profile ng Filipino cuisine sa Italya."

Sa lungsod, makakahanap ka ng higit sa sampung restaurant at dessert shop, na nag-aalok ng iba't ibang Pilipinong pagkain at Filipino food experience, mula sa casual dining, hanggang sa mala-carinderia at fast food setup.

I-scan ang QR code para sa interactive na Filipino food at restaurant guide sa Roma.

"Ang aming layunin ay ipakilala ang sayang ibinibigay ng pagkaing Pilipino, hindi lamang sa mga Pilipino sa Italya, kundi sa milyun-milyong turista at Italyano,” masiglang sabi ni Neal. 

Naisipan ng embahada na mag-publish ng food guide nang maobserbahan nila ang pagtaas ng bilang ng mga negosyong pag-aari ng mga Pilipino sa Italya. 

"Nakipag-usap kami sa ilan sa mga may-ari ng mga restaurant para simulan ang pagtatatag ng isang asosasyon, na sa kalaunan ay naging daan para sa pagbuo ng Philippine Chamber of Commerce sa Italya, na ang mga miyembro ay mabilis na nagsimulang dumami."

"Nang makita namin kung paanong ang mga food establishment na ito ay kumakatawan sa ating lutuin at kultura, naging inspirasyon ito ng embahada upang magsulat at mag-publish ng Food and Restaurant Guide na nagtatampok sa kanila," paliwanag ni Neal.

Ang imahe ng propesyonal na Pilipino

Dahil ang milyun-milyon nating mga kababayan ay naghahangad ng mas magandang buhay sa ibang bansa, ang negatibong epekto nito kung minsan ay ang diskriminasyon o pag-stereotype sa kanila. Sa kabutihang palad, si Neal, ang embahada ng Pilipinas, at pati na ang ibang mga bansa ay patuloy na nagsisikap na maitama ang mga maling konsepto ukol sa mga Pilipino.

Si Amb. Neal Imperial kasama ang Board of Directors at mga opisyal ng Philippine Chamber of Commerce in Italy (PCCI) sa PCCI launch at oath-taking ceremony sa Philippine Embassy sa Roma noong 15 Abril 2024.

"Mapalad tayo na sa Europa, ang mga karapatan sa pagtatrabaho ay mas protektado," sabi ni Neal. Ibinahagi rin niya kung paano nakatutulong sa pagpapaganda ng imahe ng mga Pilipino ang ating mga world class athlete na nakabase sa Italya, tulad ng Asian record-holder para sa pole-vaulting, EJ Obenia, at gymnast Jasmine Ramilo.

“Hindi dapat ikinakahiya ang matapat na trabaho.” Ibinahagi ni Neal ang ilang kuwento ng ating mga kapwa Pilipino na ginamit pa nga ang kanilang pagiging kasambahay bilang hakbang sa pagkakaroon ng sariling negosyo at ngayon ay nagpapatakbo na ng mga maliliit na hotel o sariling restaurant.

“Ang mga Pilipino ay biniyayaan ng maraming talento, at lahat ay kaya nating gawin, lalo na kung tayo ay nagkakaisa at tumutulong sa isa’t isa,” sabi ni Neal.

Dapat nating suportahan ang ating foreign affairs department sa layuning:  (1) protektahan ang ating mga kababayan sa kanilang trabaho para matustusan ang kanilang pamilya;  at (2) mapabuti ang ating imahe at relasyon sa ibang mga bansa.

------ 
Sundan ang aking social media accounts JingCastaneda InstagramFacebookYouTubeTiktok and Twitter. Ipadala ang inyong mga kuwento at suhestiyon sa [email protected]

vuukle comment

ITALY

PHILIPPINES

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with